Powered by Blogger.

Saturday, 30 September 2023

Sumunod Ka Sa Akin

    

Twenty-six Sunday in Ordinary Time (Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon)

01 October 2023

 
First Reading: Ez 18:25-28
Responsorial Psalm: Ps 25:4-5, 6-7, 8-9
Second Reading: Phil 2:1-11
Gospel: Mt 21:28-32
 
Reflection
By: Ma. Rosalina S. Flores

May magkaibang kahulugan ang pangungusap na "Sumunod ka sa akin", depende kung nasaan ang diin, kung paano sinabi, at sino ang nagsabi. Sumusunod tayo sa utos, sa batas, sa pakiusap o kaya sa taong may awtoridad.

Sa ating Ebanghelyo ngayon, ang nakatatandang anak ang sinabing sumunod sa kalooban ng ama bagaman noong una ay ayaw niya, nagbago ang kaniyang isip at sa huli ay tumalima. Hindi tulad ng pangalawang anak na umoo nga subalit hindi naman pumaroon.

Kung ating susuriin ang ginawang pagsunod ng dalawang anak na lalaki sa Ebanghelyo, parehong may pagkukulang. Ang una hindi agad umoo, 'yung ikalawa naman, sa salita lamang sumunod, kinulang sa gawa.

Paano nga ba ang tamang pagsunod? Salamat sa Panginoong Hesus na Siyang huwaran natin sa pagiging masunurin. Sinabi Niya sumunod kayo sa akin, kung paano Niya sinunod ang kalooban ng Amang nasa langit, ganoon din ang paanyaya sa atin. Ito ay pinatunayan sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos, sa pagpapakababa ni Hesus, Siya ay itinampok ng Diyos. Ganap Siyang nakasunod bunsod ng pag-ibig sa Amang nag-utos at sa sanlibutang pinag-alayan Niya ng buhay.

Ang pagsunod ni Hesus ay hindi dahil sa takot sa awtoridad ng nag-utos, bagkus ay nag-ugat sa pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Kaya naman napakadali para kay Hesus ang pagsunod dahil ginawa Niya ito sa konteksto ng pagmamahal. Magiging ganap lamang ang ating pagsunod kung tayo ay tatalima bunsod ng pag-ibig. Sundan natin ang huwaran ni Hesus. Mahirap pero kaya kung nanaisin natin at kung tayo ay nagmamahal.

Prayer

Ama, hindi madali ang pagtalima sa Iyong kalooban lalo na sa panahon namin ngayon na napakadaling magreklamo, subalit sa awa Mo at sa huwarang ipinakita ni Hesus, sisikapin naming maging masunurin. Amen.



Saturday, 23 September 2023

Ang Katarungan ay Pag-ibig

    

Twenty-fifth Sunday in Ordinary Time (Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon)

24 September 2023

 
First Reading: Is 55:6-9
Responsorial Psalm: Ps 145:2-3, 8-9, 17-18
Second Reading: Phil 1:20c-24, 27a
Gospel: Mt 20:1-16a
 
Reflection
By: Renato C. Vibiesca
 
Ang talinghaga ni Jesus sa Ebanghelyo ay pagpapakita ng pambihirang kabutihan ng Diyos sa tao. Ang may-ari ng ubasan sa kwento ay buong araw na naghanap ng mga manggagawa, matiyaga niyang sinusuyod ang liwasang-bayan upang kahit pa ang patambay-tambay lamang ay makapasok bilang manggagawa sa kanyang ubasan. Pagpapakahulugan na ang kabutihan ng Diyos ay para sa lahat ng tao.

Noong bata-bata pa ako, madalas na patambay-tambay, nagpapalipas ng oras, malimit na naghahanap ng pagkakalibangan. Parang iniiisip ko noon na mahaba pa naman ang oras ko sa mundo kaya’t maglibang-libang muna para sumaya sa buhay. Wala pa namang mga gadget noon, walang social media, walang Netflix, wala pang matinong teknolohiya kaya’t literal na tambay na nagpapalipas ng oras sa kwentuhan sa kanto, nababarkada na nauuwi pa sa pagbibisyo, kung saan mayaya ay sumasama agad, ‘yung sinasabi na easy go lucky o sa prinsipyo na “eat, drink, and be merry, for tomorow we die”, na sa panahon natin ngayon ay magpaka-YOLO. Pero dahil sa kabutihan nga ng Diyos, hahanapin ka Niya kahit saan ka pa magpunta at aalukin ka Niya ng biyayang hindi natin matatanggihan. Ito kasi ang biyaya ng Diyos na kahit kailan at kahit saan sa mundo ay hindi natin makakamtan. Sa madaling salita ay gusto Niyang maligtas tayo, gusto Niyang makapiling tayo habambuhay na masaya sa Kanyang kaharian. Kung sakali mang muling maligaw tayo ng landas, kahit magdadapithapon na ng buhay ay hahanapin pa rin tayo ng Diyos, dahil nga walang hanggan ang Kanyang kabutihan.  

Isa pa sa mapagninilayan natin sa Ebanghelyo ay ang naging ugali ng ibang manggagawa nang sumapit na ang oras ng kanilang sahod sa pagtatapos ng araw ng trabaho. Parang nawala ang tiwala ng mga manggagawa nang pangatuwiranan pa nila na may mali sa pamamalakad ng may-ari ng ubasan. Ang nag-uudyok sa kanila na parang dinaraya sila ay matinding inggit sa ibang manggagawa na tila nalamangan sila sa oras ng pagtatrabaho. Ito kasi ang madalas na pamantayan natin sa ating mundo, bilangin kung ilang oras nagtrabaho at may katumbas na kabayaran, kung mag-over time ay may karagdagan pa, kung mag-overnight ay may night differential pay pa, kung nag-half day ay kalahati lang ang sweldo at kung undertime ay may kabawasan din sa sweldo. Pero iba naman ang kabutihan ng Diyos. Hindi ito tulad ng pag-iisip natin na parang katarungan sa pagnenegosyo at walang lamangan. Ang katarungan sa Diyos ay maipadama Niya sa lahat ang Kanyang kabutihan ng walang tinatangi, walang VIP, walang favoritism, walang panahon at kahit pa nga ikaw ay sa huling yugto na ng iyong buhay tumugon sa Diyos, at ito ang kabutihan ng Diyos na walang hanggan. Hindi ba’t sa mga huling hininga na nabatid ng isang magnanakaw ang kaligtasan niya nang humingi siya ng tawad kay Jesus habang nakabayubay sila sa krus? Kaya’t hindi natin pwedeng ikahon ang kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusukat natin ng oras ng paglilingkod, o dami ng mga ginawa natin kumpara sa ibang tao. Ang grasya ng Diyos ay walang sukat, ang kabutihan Niya ay walang hanggan. Amen.

Prayer

Panginoong Jesus, labis ang pasasalamat namin sa walang hanggang kabutihan ng Diyos sa amin.  Dalangin namin na maging matibay ang aming pananampalataya sa Diyos upang makapaglingkod kami nang naayon sa kalooban ng Diyos.  Amen.


Saturday, 16 September 2023

Patawad

    

Twenty-fourth Sunday in Ordinary Time (Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon)

17 September 2023

 
First Reading: Sir 27:30‐28:7
Responsorial Psalm: Ps 103:1-2, 3-4, 9-10, 11-12
Second Reading: Rom 14:7-9
Gospel: Mt 18:21-35
 
Reflection
By: Renato C. Vibiesca
 
Sa palabas na Face to Face sa TV, ang programa ay laging nagsisimula sa away ng dalawang tao, magbabangayan sila at makikita talaga ang matinding galit nila sa isa’t isa. Kung minsan ay mag-aambaan na parang magkakasakitan pa at aawatin naman sila ng mga tila bouncer sa set. Pero sa dulo ng programa, laging nagkakasundo ang magka-away, nagkakapatawaran, mangangako ng pagbabago at haharapin na nila ang masayang pamumuhay. Pero sa totoo lang, hindi laging parang tulad sa palabas sa TV na Face to Face ang nangyayari sa buhay natin. Hindi palaging happy ending dahil napakahirap magpatawad ng kapwa natin na sukdulan ang ginagawang kasalanan sa atin. Ang Ebanghelyo natin ngayon ukol sa pagpapatawad ay hindi talaga madaling sundin lalo na kung ang kasalanan ng ating kapwa ay apektado ang ating buhay. Ngunit kung hindi tayo magpapatawad ng ating kapwa, papaano tayo manghihingi ng tawad sa Diyos ng ating mga kasalanan? Ipagdarasal ba natin na “Lord, huwag Mo siyang patawarin kasi napakalaki ng kasalanan niyan sa akin.” Nililinaw sa atin ni Jesus na lagi’t laging kailangan nating patawarin ang sinumang magkakasala sa atin sapagka’t ang Diyos mismo ay handa tayong patawarin sa anumang kasalanan natin.   

Minsan napadaan kami sa Edsa nang rush hour.  Kaliwa’t kanan ang mga kamote riders na kasabayan naming nakamotor. Kahit ano’ng ingat ko sa pagmamaneho ay nagitgit pa rin kami. Tinamaan nang bahagya ang sapatos ng misis ko at gilid ng motor. Kahit alam kong nasa tama ako, bukod sa may dash cam ang motor namin, ang nanggitgit pa sa amin ang nagalit na parang kami ang may mali. Hindi ko na iginiit na mali siya at tama ako. Hayaan mo na sabi ko sa misis ko na aking angkas, hindi naman grabe ang nangyari, konting gasgas lang ika ko. Habang kumakain kami sa SM, nanggigigil pa rin sa galit ang misis ko dahil sa pagkakagitgit sa amin. Iniba ko na lang ang usapan para makalma na ang misis ko. Pagkaraan ng ilang araw, tinatanong ako ng aking misis tungkol sa nanggitgit sa amin sa Edsa, gusto niyang ikuwento ko ang detalye, pero sabi ko’y hindi ko na matandaan iyon. Tapos tinanong niya ako kung ano ang kinain namin sa SM ng gabing iyon at sinabi ko naman. Sabi ng misis ko, “Natandaan mo lahat ang kinain natin pati presyo pero hindi mo matandaan nung ginitgit tayo ng kamote rider?” Pinaliwanag ko sa misis ko na hindi ko na iniisip pa ang mga pinatawad ko na, binubura ko na sa isipan ko upang hindi na ito maging bagahe pa sa aking pagmamaneho. Kung paulit-ulit ko kasing aalalahanin at poproblemahin ang mga may kasalanan sa akin, baka uminit lagi ang ulo ko, baka ma-high blood pa ako. Siguradong maaapektuhan ang pagmamaneho ko at pakikitungo sa iba pang motorista pag dinala ko pa ang bagaheng iyon. Napagtanto ko na magandang pagsasanay ng pagpapatawad sa kapwa ang tulad ng pagpapatawad sa mga nagkakamali at nagkakasala na mga motorista. Ang pagiging kalmado ay malaking bagay sa pagpapatawad. Mahirap ito pero posible. Kung ang dami ng alalahanin natin sa buhay ang nagpapahirap sa atin upang magpatawad ng kapwa, isipin na lang natin ang dami ng kasalanan natin sa Diyos na dapat nating ihingi ng tawad.  Kung hihingi tayo ng tawad sa Diyos, ihingi na rin natin ng tawad ang mga nagkasala sa atin. Habang buhay pa’y mas magandang ihingi na rin sila ng tawad sa Diyos kaysa sa nakasanayan natin na ihinihingi lang natin ng tawad ang mga kaluluwa ng mga mahal natin sa mga padasal.

Prayer

Panginoong Jesus, dalangin namin ang biyaya ng pagpapatawad upang ang lahat ng nagkasala sa amin ay agad naming mapatawad.  Sa pamamagitan ng pagpapatawad sa aming kapwa, mapatawad Mo din Panginoon ang lahat ng aming kasalanan.  Amen.


Friday, 8 September 2023

Manalangin Tayo

Twenty-third Sunday in Ordinary Time (Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon)

10 September 2023

 
First Reading: Ez 33:7-9
Responsorial Psalm: Ps 95:1-2, 6-7, 8-9
Second Reading: Rom 13:8-10
Gospel: Mt 18:15-20
 
Reflection
By: Renato C. Vibiesca
 
Walang palya ang pagsisimba namin tuwing Linggo. Ako, ang misis ko at ang aming dalawang anak ay sinisiguro na sama-sama kaming nagsisimba at bibihira naman na hindi kami magkakasama. Ang paniniwala kasi namin ay lalong pinatatatag ng pagsisimba tuwing Linggo ang aming pamilya. Pero sa pananalangain ay higit pa sa pagpapatatag ng pamilya ang gustong sabihin ng ating Ebanghelyo ngayon. Aaminin ko na sa loob ng dalawampu’t limang taon ng pagsasama namin ng aking kabiyak ay bibihira kaming nananalangin na magkasama, bukod sa pagsisimba naming ng Linggo. Tulad ng karamihan sa atin ay nakasanayan na ang pagdarasal nang mag-isa. Pagkagising sa umaga’y nagpapasalamat tayo at nagpupuri sa Diyos sa buhay na muling ipinagkatiwala sa atin at madalas na hinihingi natin na gabayan tayo sa buong araw na ating gugugulin. Sa gabi naman ay magpapasalamat muli at magmumuni-muni sa nagdaang araw upang humingi ng kapatawaran sa Diyos sa mga nagawang kasalanan bago matulog.  Ganito ang klase ng pananalangin na madalas na nakasanayan ng karamihan sa atin pero nang dumating ang Pandemya, para tayong ginising sa pagkakatulog, binulabog tayo ng samu’t saring pangamba, alalahanin sa buhay, at pagdududa sa kinabukasan. Ngunit dahil sa ating pananampalataya sa Diyos ay mas naging matingkad ang maraming aral na ibinigay sa atin sa panahon ng Pandemya.

Sa panahon ng Pandemya, ipinapahiwatig sa atin na hindi sapat ang nakasanayan nating pananalangin na mag-isa lang. Ibig ng Diyos na manalangin tayo araw-araw  nang sama-sama, na nagkakaisa, na buo ang pamilya kasama ang Panginoon sa harap nila. Malaking hamon sa karamihan ang magsama-sama araw-araw upang magdasal dahil hindi na nga ito ang nakasanayan ng karamihang pamilya. Hindi ba’t mas madalas lang nating ginagawa na magsama-sama sa pananalangin tuwing may mga espesyal na okasyon tulad ng piyesta, padasal sa patay, mga pasiyam o pang 40 days na dasal, mga pakikiisa sa pabasa tuwing mahal na araw, tuwing simbang gabi, at sa mga kasal o binyag.

Pero biniyayaan tayo ng Diyos ng maraming pagkakataon na magkasama-sama nang maranasan ang madalas na lock-down. Ako, ang misis ko at ang dalawang anak ko ay hindi na lamang tuwing Linggo nagdarasal nang sama-sama mula noon. Sa pananalangin namin nang sama-sama ay mas natutuklasan namin na mas marami pa palang dapat ipagdasal. Ipapabatid din sa atin na ang pananalangin nang sama-sama ay pagkakataon upang madama na kasama natin ang Diyos sa ating harapan tulad ng sinasabi ng ating Ebanghelyo.  Higit sa lahat ay pinalalakas ng pananalangin nang sama-sama ang ating pananampalataya na tiyak na diringgin ng Diyos ang anumang hilingin natin sa ikabubuti ng ating pamumuhay. Walang duda na malaking biyaya sa pamilya ang pahayag ng Ebanghelyo: “Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila."

Prayer

Panginoong Jesus, kami’y nananalig na lalo mo pang pag-iibayuhin ang pagbibigay sa amin ng mga biyaya na magbibigkis sa amin upang sama-sama kaming manalangin sa araw-araw. Buo ang aming pag-asa at pananampalataya na lagi Mong ipagkakaloob sa amin ang mga kahilingan naming higit na makabubuti para sa aming pamumuhay at upang lalo pang mapalapit sa Iyo at makapiling Ka magpasawalang-hanggan. Amen.


Friday, 1 September 2023

Blessings

    

Twenty-second Sunday in Ordinary Time (Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon)

03 September 2023

 
First Reading: Jer 20:7-9
Responsorial Psalm: Ps 63:2, 3-4, 5-6, 8-9
Second Reading: Rom 12:1-2
Gospel: Mt 16:21-27
 
Reflection
By: Renato C. Vibiesca
 
Nakapayong si Manong. Lukot na lukot ang hitsura ng mukha niya tulad ng kanyang suot na damit. Panay pa ang mura, “Put…. nang.. ulan ‘to!” paulit-ulit niyang sabi. Pilit niyang iniiwas mabasa ng ulan ang mga resibo na pini-print niya mula sa munting aparatong dala. Sinisilip ko siya mula sa pintuan namin. Basang-basa na siya sa lakas ng ulan. Halatang bwusit na bwusit siya sa perwisyo ng malakas na ulan. Gusto kong sabihin sa kanya na pumasok muna sa amin, magpatuyo o magpatila muna at yayayain kong magkape dahil umagang-umaga’y naghahanapbuhay na siya bilang taga-basa ng mga kuntador ng tubig. Hinawi niya ang mga halaman na nakatakip sa aming kuntador para mabasa ang metro. Ang kapal ng salamin niya sa mata at lumabo lalo dahil nabasa ng ulan. Kahit hirap na hirap, pinilit niyang mag-print ng resibo at saka sumigaw, “bill ng tubig!”

Nagulat siya nang bigla kong binuksan ang pinto, nakayuko lang siya habang inaabot ang resibo, sabi ko sa kanya, “Blessing din po ang ulan”.  Ang nasa isip ko’y mapagaan man lang ang kalooban niya bago sana alukin magkape, kaso nagmura uli siya, “Putang blessing ‘yan!” Nagulat ako at hindi ko na siya naalok pa magkape pero sinilip ko pa rin siya na tumawid na sa kabilang kalsada upang basahin ang iba pang kuntador. Binato niya ang payong na dala dahil sira na sa lakas ng hangin. Isiniksik niya sa kanyang bag ang mga resibo at ang aparato na pang-print. Panay pa rin ang mura niya habang nakayuko. Naupo muna siya sa gilid ng kuntador na umaanggi ang ulan kahit na may bubong. Baka hindi pa siya nakakapag-almusal sa isip ko. Pero kakaiba siya ngayon, halata ang lungkot sa kanyang hitsura. Nalungkot din ako habang pinagmamasdan siya. Madadama kasi ang bigat ng kanyang dinadala sa buhay. Napaisip ako kung anong klaseng krus kaya ang pinapasan niya ngayon? Hindi naman kasi ganoon ang kanyang asal sa tuwing nakikita ko siya noon. Matapos magprint at iabot ang mga resibo sa mga kapitbahay namin, tinawag ko siya. May inabot ako sa kanya, pangkape sabi ko. Nang makita ang inabot ko, mula sa pagkakayuko, itinaas niya ang kanyang mukha at napangiti, sabay sabi ng: “Salamat sa blessing mo!” Nginitian ko rin siya at sinabing, “Blessing ni Lord! Pasalamat tayo kay Lord!” Pinulot niya ang hinagis na payong at saka kumaway sa akin habang papaalis.

Ang kuwentong ito ay totoong nangyari sa kasagsagan ng malalakas na ulan dulot ng bagyo. Ito ang kuwento ng ating Ebanghelyo ngayon, tungkol ito sa “blessings” ng ating Panginoon. Maraming gustong sabihin ang Ebanghelyo natin ngayon ukol sa pamumuhay natin bilang mga Kristiyano. Pero ang madalas na makapukaw ng pansin natin ay ang tungkol sa paanyaya ni Jesus na pasanin ang krus kung ibig na sumunod sa Kanyang yapak. Aba teka? Kapapasok pa lang ng Setyembre na ang ibig sabihin sa ating mga Pinoy ay malapit na ang Pasko; nasasabik na tayo sa kasiyahang dulot ng kapaskuhan; naghahanda na agad tayo sa selebrasyong ika nila’y pinakamahaba at pinakamasaya, tapos sa unang Linggo ng buwan ay tungkol sa pagpasan ng krus ang Ebanghelyo? Parang hindi tugma, kontra nga ba ang Ebanghelyo sa kasiyahan na diwa ng Pasko? O sadyang masayahin tayo kaya’t pinahaba natin ang selebrasyon ng Pasko kaysa sa Mahal na Araw?

Sa totoong buhay, maraming pagkakataon na nagsasalitan ang kasiyahan o ang masasayang mga araw  at ang mga kalungkutan, pagsubok o ang pagpasan nga natin ng ating mga krus sa buhay. Kaya pagnilayan nating mabuti ang kahulugan ng paanyaya ng Panginoon sa atin sa pagpasan ng krus. Pero bago ang tungkol sa pagpasan ng krus, tumugon tayo sa paanyaya ni Jesus na sumunod sa Kanyang yapak, pero hindi Niya tayo pinipilit. Kung tayo’y kusang loob na susunod kay Jesus, ibig sabihin ay buong-buo nating isinusuko ang ating sarili sa Panginoon. Nangangahulugan ito ng ganap na pagtitiwala sa Diyos sa pag-aalay ng ating buhay upang makamit ang buhay na walang hanggan. At pinapaalalahanan  pa nga tayo na walang mapapala kahit pa makamtan natin ang lahat ng yaman sa mundo kung ang katumbas naman nito’y ang ating buhay.

Sa ating pagninilay, kung susumahin ang aral ng Ebanghelyo ay sapat na biyaya o “blessings” talaga ang inihahain sa atin ng ating Panginoon. Kung minsan ay nabubulagan lang tayo ng panghalina ng materyal na yaman ng mundo kung kaya’t pinipili natin ang kasamaan kaysa sa pagpasan ng mga krus ng ating buhay. Karaniwang halimbawa ng kasamaan ay ang pagiging ganid sa kayamanan, pera, ari-arian na hindi natin pinaghihirapan. Ito ang tahasang pagnanakaw o korapsiyon sa pag-aari ng ibang tao upang magkamal ng kayamanan at saka nagpapasasa na walang pakialam sa mga taong nangangailangan. Samantalang nagiging “blessings” naman ang pagpasan natin ng krus dahil pinapanatili natin ang katapatan sa Diyos sa pagiging matuwid kahit pa naghihirap tayo sa materyal na bagay sa mundo kung ang kapalit naman ay ang makapiling sa langit ang ating Panginoon. Pero sa totoo lang, sa ating pagiging tapat at matuwid, hindi tayo pinapabayaan ng ating Diyos na maghirap nang todo-todo, dahil laging nakikita Niya ang ating mga gawa, nararamdaman Niya ang ating mga panalangin gaano man kalaki o kaliit ito, at lagi Niyang sinusubaybayan ang ating pagtitiyaga na makabangon sa ating pagkukulang at pagpapasan ng krus ng buhay upang tayo’y laging handugan niya ng mga “blessings”. Siguradong namang padadaluyin din natin sa iba pang nangangailangan ang mga biyayang ito upang sila naman ay makatanggap ng maraming “blessing” sa kanilang pagsunod din kay Jesus.

Prayer

Panginoong Jesus, kami ay labis na nagagalak sa mga biyayang ibinibigay mo sa amin sa gitna ng aming paghihirap sa pagpasan ng krus. Magbigay nawa ng kalakasan at katapatan ang Iyong mga biyaya sa aming pagsunod sa iyo. Nawa’y maibahagi rin namin ang biyayang ito sa iba pang higit na nangangailangan at kaming lahat ay panatilihing umaasa sa iyong matimyas na pagmamahal sa amin. Amen.

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP