Ikadalawpu't Dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Ika-28 ng Agosto 2022
Unang Pagbasa: Sir 3:17-18, 20, 28-29
Salmong Tugunan: Slm 68:4-5, 6-7, 10-11
Ikalawang Pagbasa: Heb 11:18-19, 22-24a
Ebanghelyo: Luc 14:1, 7-14
Repleksyon
Ni: Grace Madrinan
"Walang mararating 'yan! Isang araw pa lang siguro 'yan sa Maynila baka masagasaan pa dahil sa katangahan."
Iyan ang madalas na pangungutya na naririnig ng Mama ko mula sa mga kapatid nya tuwing nagkukwento sya ng mga panaginip nya nung mga bata pa sila. Madalas kasi noon nakakapanaginip sya ng mga matataas na gusali na kadalasan nakikita sa syudad. Noon panahon na iyon, 'di pa nakatuntong si Mama sa Maynila.
Ganun na lang ang pagmamalaki ng mga kapatid nya na nakatuntong sila at nakapagtrabaho sa Maynila kahit kasambahay lang. Madalas sa halip na makatulong sa pamilya (na iyon naman talaga ang dahilan nila sa pagluwas), nagiging alalahanin pa kasi lagi silang tinutubos sa mga amo nila. Lagi silang naloloko ng mga nagre-recruit sa kanila, ilang buwan na puro trabaho pero walang sahod kasi nakuha na nung nag-recruit. Mga ilang beses din nangyari iyon pero walang kadala-dala.
Sa bihirang pagkukuwento ni Mama ganyan pa ang inabot nya. Napakataas ng lipad nila. Ganun-ganun na lamang sila makapanlait gayong wala pa namang narating. Minsan nakapagsalita na si Mama nang ganito, "Wag masyadong mataas ang lipad, kasi kapag bumagsak kayo mas malakas ang lagapak!"
Lalo lang siyang pagtatawanan kasi nagsasalita daw si Mama mag-isa. "Baliw! Sira na talaga ang ulo. Malala na. Wala na talagang lunas." Hindi pa man naimbento ang salitang "bully", matagal na pala itong namamayagpag sa mga kapatid nya.
Titingala na lang ang Mama ko, sasabihin nya "Hindi natutulog ang Diyos. Ayan Siya nakatingin mula sa langit." Ngunit lalong lalakas pa ang hagalpakan nila.
Tuwing ikinukuwento ito ni Mama (na makailang ulit na rin hehe), nalulungkot ako para sa kanya at gayundin naman ay humahanga. Paano nya nakayanan ang ganoong pangungutya?
Sa kabila ng paghihirap nya sa piling ng mga kapatid nya, biniyayaan sya ng mahabang pasensya at pagtitiis. Kahit ganon ang pakikitungo sa kanya ng mga kapatid nya, patuloy pa rin syang nagsilbi sa kanila, nirespeto ang nakatatanda. Hinayaan nya na ang Diyos ang gumawa ng paraan para sa kanya.
Napakasarap ng hustisya ng Panginoon sa Mama ko. Pagkatapos ng maraming panahon, 'di lang sya nakarating ng Maynila, nakapagbyahe din sya sa ibang sulok ng Pilipinas at maging sa ibang bansa. 'Yung mga panaginip nya nung bata pa sya, nagkatotoo lahat at higit pa. Ang taong nilalait na hindi makakatuntong ng ibang lugar, 'di hamak na mas marami pang narating kaysa sa nangungutya. Tunay na kahanga-hanga ang hustisya ng Panginoon.
"Sapagkat ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas." - Luc 14:11
Panalangin
Panginoon, turuan Mo akong maging mapagkumbaba. Piliin nawang maging mapagmahal sa halip na mapahiganti. Sapat nawa na malamang ito ay mas ikalulugod Mo. Lahat ng ito ay dalangin sa Ngalan ni Hesus. Amen
No comments:
Post a Comment
Tell us what you feel...