Powered by Blogger.

Friday, 23 December 2022

Ang Paskong Pinagdaanan

   

  The Nativity of the Lord

25 December 2022 

 
First Reading: Is 52:7-10
Responsorial Psalm: Ps 98:1, 2-3, 3-4, 5-6
Second Reading: Heb 1:1-6
Gospel: Jn 1:1-18
 
Reflection
By: Ma. Rosalina S. Flores
 
Merry Christmas! Maligayang Pasko! Mapa-English o Tagalog man, inaanyayahan tayong magsaya sa pagdating ng Panginoon.

Natapos na ang countdown, ang siyam na araw ng simbang gabi, ang salo salo sa noche buena, nagsasaya na ngayon, namamasko, ngunit hindi lahat.

Sa pagdiriwang nawa natin ng Pasko, alalahanin natin ang mga taong hirap maging masaya dahil sila ay may sakit, hiniwalayan, nawalan ng mahal sa buhay, nawalan ng trabaho, walang masilungan, walang pamilya, hindi pa nabibigyan ng hustisya, hindi pa makaahon sa nananatiling pandemya. Madaling sabihin na ipagsawalang bahala ang kanilang pinagdaraanan upang maging maligaya kahit na isang araw lang, kahit sa araw na ito lang ng Pasko, subalit mali na hingin natin sa kanila ang magpanggap na masaya.

Silang mga may pinagdaraanan nga ang tunay na larawan ng Pasko. Tulad sila ng banal na pamilya na walang karamay at masilungan noon sa Betlehem. Bagaman hirap ay puno ng pag asa sa dumating na liwanag, ang hari ng sanlibutan, ang ating tagapagligtas. Hindi man masaya ngayon ang mga may bitbit na problema, siguradong ang panalangin nila ay puno ng pag asa na sawi man sila ngayon, sa pagsapit ng susunod na Pasko nawa ay hindi na. Ipanalangin natin sila.

Lampas sampung taon na ang nakalipas pero naaalala ko pa rin ang Paskong pinagdaanan namin noon, nilalagnat ang nanay at kuya ko, wala pang padalang pera ang tatay kong OFW, ilang oras na lang noche buena na, pumunta ako sa palengke, bumili ng mga sangkap para sa champorado. Niluto ko 'yun at 'yun na ang noche buena namin. Pinakasimple pero doon ko pinakanaramdaman ang Pasko, ang pagdating ni Hesus sa buhay namin, na tiyak nakisalo rin sa aming champorado.

Dumaan ang mga taon, simple pa rin naman ang Pasko namin, nagsisimba sa Midnight Mass at sa mismong araw ng Pasko, minsan nagluluto para sa noche buena, minsan take out na lang sa fast food chain, ang mahalaga naman ay hindi ang handa bagkus si Hesus na nawa ay nasa puso natin, hindi lang kapag Pasko kundi araw araw sana.

Prayer

Hesus, Emanuel namin, nawa palagi Kang maghari sa aming buhay. Makita ka nawa namin sa bawat tao na aming nakakasalamuha. Maging daluyan din nawa kami ng biyaya sa Iyong sambayanan. Amen.


No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP