Powered by Blogger.

Sunday, 28 April 2024

Manatili Tayo kay Hesus

  

Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

28 April 2024


Unang Pagbasa: Gawa 9:26-31
Salmong Tugunan: Ps 22:26-27, 28, 30, 31-32
Ikalawang Pagbasa: 1 Juan 3:18-24
Mabuting Balita: Juan 15:1-8
 
Pagninilay
Ni: Bro. Emerson C. Maala

Minsan, may nagtanong sa akin na isang kabataan patungkol sa aking tinatahak na bokasyon. "Ilang years na po kayo sa seminaryo?" "Seven years" tugon ko. "Paano po kayo nananatili?" tanong niya. Ito ang tanong na hindi ko nasagot. Bakit nga ba ako nananatili? Ano ang nagpapanatili sa akin? May nasayang ba sa pananatili? Ang isang tanong na itinanong sa akin ay nagbunga din ng maraming tanong sa aking sarili. 

Pananatili. 

Sa Mabuting Balita, sinabi ni Hesus na Siya ang puno ng ubas at tayo ang mga sanga, at ang Ama ang tagapangalaga nito. At ang sinumang mananatili sa Kanya ay ganoon din ang Kanyang gagawin. 

Sa Unang Pagbasa naman, sa gawa ng mga Apostol, ipinakilala ni Bernabe si San Pablo sa ibang mananampalataya. Ito ay isa sa pagpapatunay na nagkaroon ng pagbabago sa buhay pananampalataya ni San Pablo. Dahil nang makilala niya si Hesus, naranasan niya ang kapatawaran at tunay na pag-ibig. Kaya't naging taga-sunod at ipinangaral  ang pananampalataya at pag-ibig na narasanan niya kay Hesus. 

Sa Ikalawang Pagbasa mula sa sulat ni San Juan, sinabi ni San Juan na ang tunay na pag-ibig ay hindi lamang makikita sa salita kundi sa gawa. Dahil katulad ni Hesus, nagawa Niyang  maialay ang kanyang buhay dahil sa pag-ibig. 

Sa aking pagninilay, ito ang ipinapakita sa aking dahilan ng Diyos kung bakit ako patuloy na nananatili. Dahil sa pag-ibig na patuloy Niyang ipinapadama sa akin sa kabila ng maraming pagsubok na aking naranasan at gayundin sa aking mga naging pagkukulang. Patuloy na ipinaparanas ng Diyos ang kanyang Pag-ibig dahilan para ako ay patuloy na manatili. 

Sa ating buhay, may mga pagkakataon din na nakararanas tayo na parang gusto na nating sumuko at ayaw na nating manatili sa ating pananampalataya dahil sa iba't ibang dahilan. Gayunpaman, patuloy tayong pinaaalalahanan ni Hesus na patuloy na manatili sa Kanya. Manatili sa pamamagitan ng pagmamahal sa Kanya gayundin sa ating kapwa. Dahil sa panananatili, mas nakikita at mas nararanasan natin ang tunay na pag-ibig ni Hesus sa atin. Dahil Siya ang unang nanatili at umibig sa atin. 

Panalangin

Ama naming makapangyarihan, nagpupuri at nagpapasalamat kami sa Iyo sa patuloy na pagmamahal at pananatili sa aming piling, sa kabila ng aming mga pagkukulang. Hinihiling namin Panginoon, na bigyan Mo kami ng biyaya ng pananatili, upang sa gayon kami ay patuloy na sumunod sa Iyong yapak, anuman ang pagsubok na dumating sa amin. Panatilihin mo kami sa Iyong pag-ibig sa Ngalan ni Hesukristo, kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.

No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP