Powered by Blogger.

Sunday, 25 October 2026

Ang Pinakamahalagang Utos ay Magmahal


Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon

25 Oktubre 2026

 
Unang Pagbasa: Exodo 22, 20-26
Salmong Tugunan: Salmo 17, 2-3a 3bk-4. 47 at 51b
Ikalawang Pagbasa: 1 Tesalonika 1, 5k-10
Mabuting Balita: Mateo 22, 34-40
 
Pagninilay
Ni: Renato C. Vibiesca
 
Lagi nating sinusuri ang ating sarili at tinatanong kung ang dalawang kautusan na sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo ay tapat nating natutupad sa ating buhay. Papaano ba maipapadarama ang pag-ibig sa Diyos kung laging walang oras para sa Kanya? Kailan ba tayo huling nagsimba o kahit bumisita man lang sa simbahan? Sige, kahit man lang bago matulog o pagkagising ay naisip o kinausap ang Diyos? Madalas bang deadma tayo sa Kanya? Bago siguro ang tanong na kung papaano ibigin ang Diyos ay papaano ba natin siya kausapin? Naalala ko si Santa Teresa ng Avila kung papaano makipag-usap sa Diyos, kung hindi ako nagkakamali (pasensiya na’t nagiging malilimutin na) ay may karanasan siya isang araw na inabot ng malakas na bagyo habang naglalakbay, nabalahaw sa putikan ang kanyang sinasakyan at nabasa siya nang todo mula ulo hanggang talampakan, samantalang may mahalaga pa naman siyang misyon na pupuntahan at nagbabadyang aabutin siya ng kahihiyan sa kanyang sitwasyon. Gigil na kinausap ni Santa Teresa ang Diyos at sinabing ganoon ba Niya ituring ang Kanyang mga kaibigan, at sinabing kaya siguro kakaunti ang Kanyang mga kaibigan ay ganoon Niya itrato. Napakasinsero, diretsahan at walang palabok makipag-usap sa Diyos si Santa Teresa. Mukhang nakakatawa na parang nakikipag-usap lang siya sa kanyang matalik na kaibigan pero nandoon ang buong katapatan, nandoon ang buong pagtitiwala, at higit sa lahat ay buong giliw niyang iniibig ang Diyos na handang sumunod sa Kanyang kalooban. Hindi ba’t ganito ang buong puso, buong kaluluwa at buong pag-iisip na pag-ibig sa Diyos?

Papaano naman maipadarama ang pag-ibig sa kapwa kung lagi na lang natin silang inaapi? May babala na nga ang Diyos sa atin sa Unang Pagbasa: “Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, diringgin ko sila. O, kung hindi man natin sila inaapi ay dinadaan-daanan lang natin ang ating kapwa na higit na nangangailangan ng tulong.

Minsan, napansin ko ang matandang babae na mukhang pulubi na lagi na lang nasa harapan ng pinto ng simbahan tuwing gabi habang nakagawian naming maglakad-lakad ng misis ko bilang ehersisyo. Nasa loob ng Rotonda ang simbahan na iniikutan namin, kasabay ng marami pang ibang tao na naglalakad o nagja-jogging tuwing gabi, samantalang nakaupo sa sahig ang matandang babae pero hindi umaalis sa harap ng simbahan at dinadaan-daanan lang namin. Habang naglalakad, pinag-uusapan namin ng aking misis kung bakit parang hindi siya nakikita ng maraming tao at paulit-ulit na nadaraanan lang siya. Ipinagtataka rin namin na bakit hindi siya tinutulungan ng mga taong simbahan gayong laging nasa tapat lang siya ng pinto ng simbahan nakapwesto. Nasa loob ng Rotonda rin ang tanggapan ng munisipyo ng aming lungsod, maging ang prisinto ng pulis at bumbero pero dinadaan-daanan lang din siya ng mga pulis o kawani ng munisipyo. O, kahit ang mga opisyales man lang ng barangay ay hindi siya napapansin para mahatiran man lang ng tulong o alamin ang kalagayan dahil nag-aalala na nga kami’t lumalalim na ang gabi. Ganito na ba kamanhid ang mga tao sa kalagayan ng kaawa-awang matandang babae? Hindi na namin napigilan na abutan ng pagkain kahit papaano ang matandang babae pero hanggang doon lang muna ang naitulong at umaasa na mapansin na siya ng kinauukulan at may kakayahan na alamin ang kanyang kalagayan. Pabiro ko sa misis ko, nakakatakot pag nagsumbong siya kay Lord, yari tayo na deadma lang sa kanya.
 
Panalangin

Buong giliw kaming nasusumaamo’t dumadalingin sa Iyo aming Diyos, sa ngalan ng aming Panginoong Hesus, bigyan nawa kami ng biyaya ng Espiritu Santo na kumilos nang lubos, buong puso, kaluluwa at pag-iisip upang ibigin Ka at ang aming kapwa. Amen.

No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP