Ika-6 ng Hunyo 2021
First Reading (Unang Pagbasa): EX 24:3-8
Responsorial Psalm (Salmong Tugunan): 116:12-13, 15-16, 17-18
Second Reading (Ikalawang Pagbasa): HEB 9:11-15
Gospel (Mabuting Balita): MK 14:12-16, 22-26
Repleksyon
Ni: Nats Vibiesca
Masaya nating ipinagdiriwang ang araw na ito ng Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoong Jesus dahil ito ay pag-alaala, pagdakila, at matimyas na pagpapasalamat natin sa kabutihang ginawa ng ating Diyos upang tayo ay matubos sa kasalanan. May personal na kahulugan sa akin ang taon-taon nating pagdiriwang na ito bukod sa pag-aalaala ng buhay ni Jesus na dapat ngang ipagpasalamat dahil ito ang sinasabi nating "Bagong Paskuwa" nang ialay mismo ni Jesus and Kanyang katawan at dugo. Dalawang malapit sa puso ang kahulugan ng kapistahang ito para sa akin: una, ito ay tuloy-tuloy na sorpresang biyaya para sa atin, at ang pangalawa ay ang pagkakataon para ihandog natin sa Diyos and anumang pasakit, hirap, suliranin, o alalahanin natin sa buhay.
Kung ang buhay natin bilang Kristiyano ay laging masaya, hindi naman maiiwasan na dumarating din ang mga araw na tayo ay nalulungkot. Kung minsan ay tinatanong natin ang ating mga sarili kung nakahanda nga ba tayo sa mga pinakamalulungkot na pangyayari ng ating buhay? Halimbawa'y and epekto ng pandemya sa ating panahon. Binulaga tayong lahat ng malungkot na pangyayaring ito sa ating pamayanan at litong-lito tayo, natataranta, natatakot, nangangamba sa kung kailan matatapos ang masalimuot na kaganapang ito sa mundo. Subalit sa pag-aalay ng ating Panginoon ng Kanyang sariling katawan at dugo sa tuwing nakikibahagi tayo sa Banal na Misa, nahihiwagaan tayo sa kabutihan ng Diyos dahil dumarating ang sorpresang biyaya sa ating buhay. Kaya't sa sorpresang biyayang handog ng Diyos sa ati'y nawawalan ng bisa ang kalungkutan, naiibsan ang pagdurusa natin, at napapawi ang anumang pagdadalamhati. Hindi ba't karamihan sa atin ay pagod na pagod na sa panahong ito ng pandemya at patuloy na dumarami ang kumakalam ang sikmura't halos magpalimos ang mga walang-wala? Pero dahil sa patuloy nating pananalangin at tulad ng pag-aalay ng Diyos ng Kanyang sarili, mahimalang natutugunan ang kagutuman sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga mamamayan sa pagbabahagi ng anumang makakayanan nila at parang kabuting nagsulputan ang sorpresang biyaya ng Diyos na tinatawag nating "Community Pantry".
Bukod sa handog na sorpresang materyal na pangangailangan ng ating katawan, nagliliwanag ang ating kaisipan, diwa, at damdamin sa anumang kinakaharap natin. Mas nagiging kalmado tayo sa sitwasyong gumugulo sa atin. Unti-unting sinasakop ng liwanag ng Diyos ang bawat sulok ng ating kaluluwa na binalot na ng kadiliman dahil sa traumang nararanasan natin sa paligid. Hindi papayag ang Diyos na malugmok tayo sa paghihirap at mauwi sa pagkakasala dahil patuloy Niyang inaalay ang sarili para sa atin upang makayanan natin ang lahat ng paghihirap sa ating buhay. Ang lahat ng ispiritwal na biyaya ay ibinubuhos ng Diyos para sa atin sa tuwing tinatanggap nating ang Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Misa.
Hindi natatapos ang mga biyaya sa pagtanggap natin sa Katawan at Dugo ng ating Diyos, at dahil sa sorpresa nga ito, kadalasa'y hindi natin alam kung ano ang magagandang biyayang naghihintay sa atin. Basta't ang sigurado'y napakalaking biyaya nito na hindi natin inaasahan, mas malaki pa sa biyayang ipinagdarasal nating makamit, maging materyal man o ispiritwal na sorpresa.
Sa kabila ng kasabikang matanggap ang sorpresang biyaya ng Diyos, perpektong pagkakataon din ang Banal na Misa na ilapit sa Diyos ang mga problema natin sa buhay. Kailangang maging alerto tayo sa bahagi ng Misa ng pag-aalay ng Kanyang Katawan at Dugo dahil ito nga ang perpektong pagkakataon na ibigay sa Diyos ang ating buhay. Napakalapit ng Diyos sa atin sa pagkakataong inaalay ang Eukaristiya sa Banal na Misa at kung kaya't mapagpakumbabang ibigay natin ang lahat sa Diyos ang anumang pasakit, pasanin, pagdurusa, kalungkutan, kasalanan, at kawalan ng kapayapaan ng ating buhay. Kung naihain na natin sa Diyos ang lahat ng ito, tiyak na papalitan naman ng Diyos ng sorpresang biyaya na magpapatibay sa ating pagiging mabuting tao, pagiging mabuting Kristiyano, pagiging mabuting lingkod, para sa sariling pamilya natin at para na rin sa bayan natin.
Panalangin
Panginoong Jesus, labis ang aming kasiyahan sa lahat ng sorpresang biyaya na aming natatanggap sa bawat Misa na aming dinadaluhan. Lubos ang aming pasasalamat sa pag-aalay ng Iyong Kabanal-banalang Katawan at Dugo para sa kaligtasan namin. Dalangin naming maranasan din ng aming mga mahal sa buhay at lahat ng higit na nangangailangan ang grasya ng kapayapaan sa buhay sa pamamagitan ng pagtanggap namin sa Iyo sa Banal na Komunyon. Amen.
No comments:
Post a Comment
Tell us what you feel...