Powered by Blogger.

Friday, 11 June 2021

Eleventh Sunday in Ordinary Time

Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
Ika-13 ng Hunyo 2021
 
First Reading (Unang Pagbasa):  EZ 17:22-24
Responsorial Psalm (Salmong Tugunan):  92:2-3, 13-14, 15-16
Second Reading (Ikalawang Pagbasa):  2 COR 5:6-10
Gospel (Mabuting Balita):  MK 4:26-34
 
Repleksyon
Ni: Nats Vibiesca
 
Madalas kong sinasabi sa mga estudiyante na ang paglalagay ng talinhaga sa pagsulat ng tula o kuwento ay nakahahatak o naka-e-engganyo ng mga mambabasa. Hindi ba't napapaisip tayo sa kahulugan ng mga talinhaga o nagkakaroon ng iba't ibang anggulo ang kahulugan ng kuwento? Nagiging mabisa talaga ang kuwento kung may talinhaga kaya't madalas na ibinibigay sa atin ito ng ating Panginoong Jesus. Tulad sa Ebanghelyo ngayon, dalawang talinhaga ang kuwento para sa atin. Sa unang talinhaga, madali nating nakikita ang taong naghahagis ng binhi na kanyang itinatanim. Kung may nagtanim, natural na tutubo ito, lalago ito nang hindi nga natin namamalayan, at saka aanihin sa tamang panahon upang mapakinabangan. Sa pagmumuni-muni ko sa Ebanghelyo, nangangahulugan na kailangan ko ring magtanim, hindi siyempre literal na binhi ng halaman, pero dahil panahon ng pandemya, naging plantito na nga rin ako. Tulad ng pagiging plantito o plantita, hindi lang libangan ang pagtatanim, kailangan din kasing magtiyaga sa paghihintay na lumago o mamulaklak o mamunga, hindi naman kasi ngayon mo itinanim ang buto at bukas ay tutubo agad. Dahil talinhaga nga nga ang paghahasik ng binhi, ipinapalagay ko na isa ang kabutihan o mga gawaing mabuti ang inihahasik; ang pinakasimpleng kasabihan na kaugnay dito ay: "kung nagtanim ka ng kabutihan, kabutihan din ang iyong aanihin". Maaaring kabutihan para sa sarili, sa pamilya at sa kapwa ang anumang kabutihang itinatanim natin. Pero hindi nga ito madali o hindi naman agad-agad na makikita ang magandang resulta. Halimbawa'y ang pagiging mabuting  ehemplo ng magulang sa mga anak ay isang pagtatanim ng pundasyon na balang araw ay aanihin kung sila naman ang magkaroon ng sariling pamilya. Parang sinasabi sa atin ng Diyos na maghasik ka lang ng mabuting binhi habang nabubuhay at ibibigay Ko sa iyo ang masaganang ani sa takdang panahon.

Sa ikalawang talinhaga, gumagamit si Jesus ng konsepto ng pinakamaliit na binihi na kamangha-manghang magiging pinakamayabong na halaman; na maging pinakamaliit na binhi man ang ating itinanim, tulad nga ng buto ng mustasa, payayabungin ito ng Diyos nang higit pa sa ating inaasahan. Kung sa sarili lang nating kakayahan ay napaka-imposible na magawa natin ang kagilagilalas na kasaganaan mula sa kakarampot na binhi, pero sa grasya ng Diyos, tiyak ang pagbabagong anyo na maging labis na kayamanan ang pagyabong nito. Kaya nga araw araw, maya't maya nating pinasasalamatan ang Diyos sa pagbibigay sa atin ng sobra-sobrang biyaya sa buhay na kadalasan ay hindi natin aakalain na mapapasaatin. Marami namang anak ng Diyos na mas karapat-dapat mabigyan ng masaganang biyaya kaysa sa atin dahil sa dami ng ating mga pagkukulang at kasalanan sa Diyos, pero magtataka ka kung bakit patuloy na pinayayabong  ng Diyos ang grasya sa ating buhay. Kung tayo ay umaasa na payayabungin ng Diyos ang ating buhay, marapat na ipanalangin ang pag-unlad sa iba't ibang aspeto ng ating buhay: una, and ispirituwal na biyaya upang higit nating makilala at mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod; ikalawa, ang pisikal at mental na kalusugan natin; ikatlo, ang biyaya para sa ating pamilya upang lalong magningas ang pagmamahalan at pagkakaisa sa bawat tahanan; ikaapat, ang mapaunlad pa ang ating hanapbuhay at maging sapat ang kinikita para sa mga pinansiyal na pangangailangan ng ating pamilya. Sa huli, gusto kong isama rin sa pananalangin ang hangad ng aking puso, ang magkaroon ng malayang oras na magawa ang anumang gusto kong gawin, halimbawa'y ang makapagpinta o makapagsulat pa ng maraming obrang sining, ang pangarap na matutong magpatugtog ng biyolin, ang makaukit ng obra mula sa inagos na punong-kahoy, o makapaglingkod nang labis sa simbahan o sa bayan,
 
Panalangin
 
Panginoong Jesus, ipinagkakaloob Mo sa amin ang Iyong walang-hanggang  biyaya ng katubusan at mayabong na biyaya ng kasaganaan, kahit pa nga napakaliit ang aming pananampalataya, dalangin namin na kami'y patuloy na gabayan sa paghahasik ng kabutihan sa aming kapwa. Amen.

 

 

 

No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP