Powered by Blogger.

Thursday, 17 June 2021

Twelfth Sunday in Ordinary Time

Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon
Ika-20 ng Hunyo 2021 
 
First Reading (Unang Pagbasa): JB 38:1, 8-11
Responsorial Psalm (Salmong Tugunan): 107: 23-24, 25-26, 28-29, 30-31
Second Reading (Ikalawang Pagbasa): 2 COR 5:14-17
Gospel (Mabuting Balita): MK 4:35-41
 
Repleskyon
Ni: Nats Vibiesca
 
Bilang tao, mabilis tayong nadadala ng takot kapag may biglaang pagsubok sa ating buhay. Ang iba sa atin ay natataranta agad. Hindi makapag-isip nang maayos. Hindi makakilos. Ang tanging magagawa natin ay sumuko agad at maghanap ng makakaramay o makakatulong sa atin. Ganito ang nangyari sa kuwento ng ating Ebanghelyo ngayon, habang patawid sa kabilang ibayo sina Jesus kasama ang Kanyang mga alagad, nang biglang dumating ang unos at matinding hampas ng alon ang kanilang sinagupa.

Pero ito'y isang pangyayari lamang sa buhay ni Jesus at ng mga alagad, hindi naman ito araw araw na nararanasan nila. Ang nakakagulat lang ay biglaan ito at hindi inaasahan, na kung tutuusin ay matutugunan sana ng ilang mangingisdang alagad ni Jesus kung delikadong maglayag dahil may parating na bagyo. Ito ang halimbawa ng pagtutulad sa buhay natin bilang mga Kristiyano na may mga araw na talagang dumarating ang biglaang bagyo ng buhay o sinusubok ang ating katatagan at kung minsan pa ay hindi tayo nakahanda. Pero parang sinasabi ni Jesus sa panahon natin na chillax lang tayo, chill lang tayo, no worries dapat. Una, hindi naman araw araw ang bagyo sa ating buhay, kaya't hindi dapat mag-alala nang labis, kumbaga'y huwag nating hayaang tumambay ang problema, palipasin lang natin; pangalawa, hindi naman nawawala sa paningin natin si Jesus, lagi natin Siyang kasama sa anumang paglalayag upang mahingan natin ng tulong. Kahit pa nga magsama-sama ang mga eksperto sa dagat na mga mangingisdang mga alagad ni Jesus ay wala silang magagawa kapag may malakas na unos na dumating, pero kung kasama natin ang Diyos sa bangka, hindi tayo dapat matakot tulad ng sinabi ni Jesus na kailangan lang na magkaroon tayo ng malaking pananampalataya sa Diyos.

Ang isa pang nakaantig sa akin sa pangyayaring ito ay nang gisingin ng mga alagad si Jesus dahil nag-aalala na nga sila nang lubos at sinabi nila: "Guro", anila, "di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!" Bigla kong naalala ang isa sa mga alituntunin ng mga guro na-dapat makinig sa kanilang mga estudiyante sa panahon na sila ay natatakot dahil sa kanilang mga problema, at tumulong sa abot ng kanilang makakaya. Para sa mga kapwa ko guro, lalo na ang mga matatagal na sa serbisyo (mahigit isang dekada na rin ako sa bokasyon ng pagtuturo) madalas na sila ang nakakakita sa mga kalagayan ng kanilang mga estudiyante; naririnig nila ang mga hinaing nito sa buhay; kung hindi makapagtapat ng problema sa mga magulang o kaibigan, ang mga estudiyante'y sa guro nila nilalabas ito, kumbaga'y nagiging shock absorber ang mga guro ng samu't saring unos sa buhay ng mga bata. Sapagkat likas na yata sa mga guro ang laging mahinahon sa panahong binabayo tayo ng unos; nakikinig nang mabuti sa mga sinasabi at sa mga gustong sabihin na hindi masabi-sabi; sa madaling salita'y napakasensitibo sa damdamin ng mga estudiyante na madaling napapasuko ng pagsubok; at ginagawan ng paraan kung anuman ang maitutulong kahit kung minsan ay napakahirap, o kahit pa nga dumaraan din sa iba't ibang pagsubok o bagyo ng buhay ang mga guro, tulad ni Jesus ay mananatiling kalmado, matatag ang pananampalataya upang mapatahimik ang hangin sa dagat.
 
Panalangin
 
Panginoong Jesus, hindi kami magsasawang humingi ng tulong sa Iyo kung humaharap kami sa mga bagyo ng buhay. Bagama't napakaliit ng aming pananampalataya at napakadaling mawalan ng pag asa, patuloy kaming nagsusumamo sa Diyos upang mailigtas ang aming kaluluwa sa kapahamakan. Amen.

 

 

 

No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP