Powered by Blogger.

Saturday, 26 June 2021

Thirteenth Sunday in Ordinary Time

Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Ika-27 ng Hunyo 2021
 
First Reading (Unang Pagbasa): WIS 1:13-15; 2:23-24
Responsorial Psalm (Salmong Tugunan): 30:2, 4, 5-6, 11, 12, 13
Second Reading (Ikalawang Pagbasa): 2 COR 8:7, 9, 13-15
Gospel (Mabuting Balita): MK 5:21-43 or 5:21-24, 35b-43
 
Repleksyon
Ni: Nats Vibiesca
 
Sa unang tingin ay parang napakalungkot ng kwento sa Ebanghelyo. Dinudumog ng napakaraming tao si Jesus na gustong humingi ng tulong sa Kanya. Karamihan ay mga taong nawawalan ng pag asa. Mga desperado sa buhay. Sila 'yung mga sumuko na sa kahahanap ng paraan para gumanda ang kabuhayan, silang mga sumubok na ng lahat ng paraan sa paghahanap ng lunas para gumaling sa karamdaman, mga taong naghahanap ng tapat na mamumuno sa kanila upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran ng bayan, samu't sari ang kanilang desperasyon sa buhay kung kaya't nakikita nila si Jesus bilang potensiyal na tagapagligtas sa lahat ng kanilang kahirapan. Mukhang walang pinagkaiba ito sa ating panahon. Isa ka ba sa mga nakaranas na ng desperasyon sa buhay? 'Yung tipong ginagawa mo naman ang lahat, pero wala talagang masilip na pag asa? Kaya nga kay Jesus na lang tayo aasa dahil wala na tayong magawang paraan. Bagama't marami nga sa atin ang lumalapit kay Jesus, pero karamihan ay baka hindi buo ang pananampalataya; baka nakikisabay lang tayo sa agos, halimbawa'y kung may prusisyon, namamangha tayo sa tradisyon at kailangang makasama sa tropa, o kung mahal na araw ay may pabasa, may padasal at may pa-caridad, may penitensya o pagpasan ng krus habang nakayapak pa. Napakaganda at napakayaman ng mga tradisyong ito lalo pa't mahabang panahon na itong ginagawa at isinasalin sa bawat henerasyon bilang pag-alaala sa mga dinaanan ng ating Panginoong Jesus, ngunit kung ang pananampalataya natin ay nakasalalay lamang sa pagpapatianod sa agos at wala tayong personal na relasyon sa Diyos, hindi malayong masama tayo sa mga sinasabing panatiko ng relihiyon at hindi naman naiintindihan at naisasapuso ang mga ekspresyon ng pananampalataya.

Pero ang babae sa kuwento na may malalim na hugot sa buhay, mataimtim na lumapit kay Jesus at buong pananampalataya na kumilos sa gitna ng daluyong ng mga tao na mahipo lamang ang laylayan ng damit ni Jesus. Alam ni Jesus kung sino ang tapat na nananampalataya sa Kanya, akala natin ay hindi tayo napapansin ni Jesus dahil sa dami ng lumalapit sa Kanya, pero tulad ng babae, kahit laylayan lang pala ng damit ang mahawakan sa gitna ng mga taong dumudumog kay Jesus ay nararamdaman Niya ito. Kung minsan sikretong umiiyak na lang tayo sa bigat ng mga problema natin sa buhay, habang naliligo ay sinasabay natin sa agos ng tubig ang bawat patak ng luha ng pagdurusa natin; o kaya sa gabing ang lahat ay tahimik, nababasa ng luha ang unan hanggang sa makatulugan na natin ang lahat ng bumabagabag sa ating puso; hanggang sa umaabot pa sa kawalang-pag asa at iniisip natin na napaka-imposible na ang solusyon sa ating mga problema; pero ang sabi ni Jesus sa atin ay nakikita Niya ang lahat ng sikretong ito, nararamdaman Niya ang lahat ng ating paghihirap. Kung kaya't taimtim ang ating paglalambing sa Diyos, tapat ang atin pagtawag sa Diyos, hindi man natin alintana kung tayo ay mapapansin, naglaho man ang ating pag asa at sa ating pagkakaalam ay himala na lang ng langit ang kasagutan.

Ang diwa sa atin ngayon ng Ebanghelyo ay para bagang sinasabi sa atin ni Jesus "anak, hindi kita pababayaan, nararamdaman ko ang bawat pagdurusa mo, naririnig ko ang bawat hikbi ng iyong pinakamahinang iyak, papahiran ko ang bawat patak ng iyong luha, naubos man ang lahat ng paraang alam mo o pagtawanan ka man nila dahil sa iyong pananalig sa akin, narito ako, mapanatag ka dahil kasama mo na ako saan ka man magpunta".

Kung kasama natin ang Diyos dahil sa ating totoong pananampalataya, mukhang imposible man ang lahat, sa kabutihan ng Diyos, ang ninanais ng ating puso ay Kanyang ipagkakaloob sa takdang panahon.

Panalangin
 
Panginoong Jesus, nakikipagbuno kami sa kawalang pag asa sa buhay at nakikita Mo ang anumang pagsubok na dumarating sa amin, dalangin naming ipagkaloob Mo ang biyaya ng tapat na pananampalataya sa Iyo upang matupad ang hangarin Mo sa amin na laging mapanatag ang kalooban at tanggapin ang kapayapaan na galing sa Iyo. Amen.

 

 

No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP