Twenty-second Sunday in Ordinary Time (Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon)
03 September 2023
First Reading: Jer 20:7-9
Responsorial Psalm: Ps 63:2, 3-4, 5-6, 8-9
Second Reading: Rom 12:1-2
Gospel: Mt 16:21-27
Reflection
By: Renato C. Vibiesca
Nakapayong si Manong. Lukot na lukot ang hitsura ng mukha niya tulad ng kanyang suot na damit. Panay pa ang mura, “Put…. nang.. ulan ‘to!” paulit-ulit niyang sabi. Pilit niyang iniiwas mabasa ng ulan ang mga resibo na pini-print niya mula sa munting aparatong dala. Sinisilip ko siya mula sa pintuan namin. Basang-basa na siya sa lakas ng ulan. Halatang bwusit na bwusit siya sa perwisyo ng malakas na ulan. Gusto kong sabihin sa kanya na pumasok muna sa amin, magpatuyo o magpatila muna at yayayain kong magkape dahil umagang-umaga’y naghahanapbuhay na siya bilang taga-basa ng mga kuntador ng tubig. Hinawi niya ang mga halaman na nakatakip sa aming kuntador para mabasa ang metro. Ang kapal ng salamin niya sa mata at lumabo lalo dahil nabasa ng ulan. Kahit hirap na hirap, pinilit niyang mag-print ng resibo at saka sumigaw, “bill ng tubig!”
Nagulat siya nang bigla kong binuksan ang pinto, nakayuko lang siya habang inaabot ang resibo, sabi ko sa kanya, “Blessing din po ang ulan”. Ang nasa isip ko’y mapagaan man lang ang kalooban niya bago sana alukin magkape, kaso nagmura uli siya, “Putang blessing ‘yan!” Nagulat ako at hindi ko na siya naalok pa magkape pero sinilip ko pa rin siya na tumawid na sa kabilang kalsada upang basahin ang iba pang kuntador. Binato niya ang payong na dala dahil sira na sa lakas ng hangin. Isiniksik niya sa kanyang bag ang mga resibo at ang aparato na pang-print. Panay pa rin ang mura niya habang nakayuko. Naupo muna siya sa gilid ng kuntador na umaanggi ang ulan kahit na may bubong. Baka hindi pa siya nakakapag-almusal sa isip ko. Pero kakaiba siya ngayon, halata ang lungkot sa kanyang hitsura. Nalungkot din ako habang pinagmamasdan siya. Madadama kasi ang bigat ng kanyang dinadala sa buhay. Napaisip ako kung anong klaseng krus kaya ang pinapasan niya ngayon? Hindi naman kasi ganoon ang kanyang asal sa tuwing nakikita ko siya noon. Matapos magprint at iabot ang mga resibo sa mga kapitbahay namin, tinawag ko siya. May inabot ako sa kanya, pangkape sabi ko. Nang makita ang inabot ko, mula sa pagkakayuko, itinaas niya ang kanyang mukha at napangiti, sabay sabi ng: “Salamat sa blessing mo!” Nginitian ko rin siya at sinabing, “Blessing ni Lord! Pasalamat tayo kay Lord!” Pinulot niya ang hinagis na payong at saka kumaway sa akin habang papaalis.
Ang kuwentong ito ay totoong nangyari sa kasagsagan ng malalakas na ulan dulot ng bagyo. Ito ang kuwento ng ating Ebanghelyo ngayon, tungkol ito sa “blessings” ng ating Panginoon. Maraming gustong sabihin ang Ebanghelyo natin ngayon ukol sa pamumuhay natin bilang mga Kristiyano. Pero ang madalas na makapukaw ng pansin natin ay ang tungkol sa paanyaya ni Jesus na pasanin ang krus kung ibig na sumunod sa Kanyang yapak. Aba teka? Kapapasok pa lang ng Setyembre na ang ibig sabihin sa ating mga Pinoy ay malapit na ang Pasko; nasasabik na tayo sa kasiyahang dulot ng kapaskuhan; naghahanda na agad tayo sa selebrasyong ika nila’y pinakamahaba at pinakamasaya, tapos sa unang Linggo ng buwan ay tungkol sa pagpasan ng krus ang Ebanghelyo? Parang hindi tugma, kontra nga ba ang Ebanghelyo sa kasiyahan na diwa ng Pasko? O sadyang masayahin tayo kaya’t pinahaba natin ang selebrasyon ng Pasko kaysa sa Mahal na Araw?
Sa totoong buhay, maraming pagkakataon na nagsasalitan ang kasiyahan o ang masasayang mga araw at ang mga kalungkutan, pagsubok o ang pagpasan nga natin ng ating mga krus sa buhay. Kaya pagnilayan nating mabuti ang kahulugan ng paanyaya ng Panginoon sa atin sa pagpasan ng krus. Pero bago ang tungkol sa pagpasan ng krus, tumugon tayo sa paanyaya ni Jesus na sumunod sa Kanyang yapak, pero hindi Niya tayo pinipilit. Kung tayo’y kusang loob na susunod kay Jesus, ibig sabihin ay buong-buo nating isinusuko ang ating sarili sa Panginoon. Nangangahulugan ito ng ganap na pagtitiwala sa Diyos sa pag-aalay ng ating buhay upang makamit ang buhay na walang hanggan. At pinapaalalahanan pa nga tayo na walang mapapala kahit pa makamtan natin ang lahat ng yaman sa mundo kung ang katumbas naman nito’y ang ating buhay.
Sa ating pagninilay, kung susumahin ang aral ng Ebanghelyo ay sapat na biyaya o “blessings” talaga ang inihahain sa atin ng ating Panginoon. Kung minsan ay nabubulagan lang tayo ng panghalina ng materyal na yaman ng mundo kung kaya’t pinipili natin ang kasamaan kaysa sa pagpasan ng mga krus ng ating buhay. Karaniwang halimbawa ng kasamaan ay ang pagiging ganid sa kayamanan, pera, ari-arian na hindi natin pinaghihirapan. Ito ang tahasang pagnanakaw o korapsiyon sa pag-aari ng ibang tao upang magkamal ng kayamanan at saka nagpapasasa na walang pakialam sa mga taong nangangailangan. Samantalang nagiging “blessings” naman ang pagpasan natin ng krus dahil pinapanatili natin ang katapatan sa Diyos sa pagiging matuwid kahit pa naghihirap tayo sa materyal na bagay sa mundo kung ang kapalit naman ay ang makapiling sa langit ang ating Panginoon. Pero sa totoo lang, sa ating pagiging tapat at matuwid, hindi tayo pinapabayaan ng ating Diyos na maghirap nang todo-todo, dahil laging nakikita Niya ang ating mga gawa, nararamdaman Niya ang ating mga panalangin gaano man kalaki o kaliit ito, at lagi Niyang sinusubaybayan ang ating pagtitiyaga na makabangon sa ating pagkukulang at pagpapasan ng krus ng buhay upang tayo’y laging handugan niya ng mga “blessings”. Siguradong namang padadaluyin din natin sa iba pang nangangailangan ang mga biyayang ito upang sila naman ay makatanggap ng maraming “blessing” sa kanilang pagsunod din kay Jesus.
Prayer
Panginoong Jesus, kami ay labis na nagagalak sa mga biyayang ibinibigay mo sa amin sa gitna ng aming paghihirap sa pagpasan ng krus. Magbigay nawa ng kalakasan at katapatan ang Iyong mga biyaya sa aming pagsunod sa iyo. Nawa’y maibahagi rin namin ang biyayang ito sa iba pang higit na nangangailangan at kaming lahat ay panatilihing umaasa sa iyong matimyas na pagmamahal sa amin. Amen.
No comments:
Post a Comment
Tell us what you feel...