Twenty-third Sunday in Ordinary Time (Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon)
10 September 2023
First Reading: Ez 33:7-9
Responsorial Psalm: Ps 95:1-2, 6-7, 8-9
Second Reading: Rom 13:8-10
Gospel: Mt 18:15-20
Reflection
By: Renato C. Vibiesca
Walang palya ang pagsisimba namin tuwing Linggo. Ako, ang misis ko at ang aming dalawang anak ay sinisiguro na sama-sama kaming nagsisimba at bibihira naman na hindi kami magkakasama. Ang paniniwala kasi namin ay lalong pinatatatag ng pagsisimba tuwing Linggo ang aming pamilya. Pero sa pananalangain ay higit pa sa pagpapatatag ng pamilya ang gustong sabihin ng ating Ebanghelyo ngayon. Aaminin ko na sa loob ng dalawampu’t limang taon ng pagsasama namin ng aking kabiyak ay bibihira kaming nananalangin na magkasama, bukod sa pagsisimba naming ng Linggo. Tulad ng karamihan sa atin ay nakasanayan na ang pagdarasal nang mag-isa. Pagkagising sa umaga’y nagpapasalamat tayo at nagpupuri sa Diyos sa buhay na muling ipinagkatiwala sa atin at madalas na hinihingi natin na gabayan tayo sa buong araw na ating gugugulin. Sa gabi naman ay magpapasalamat muli at magmumuni-muni sa nagdaang araw upang humingi ng kapatawaran sa Diyos sa mga nagawang kasalanan bago matulog. Ganito ang klase ng pananalangin na madalas na nakasanayan ng karamihan sa atin pero nang dumating ang Pandemya, para tayong ginising sa pagkakatulog, binulabog tayo ng samu’t saring pangamba, alalahanin sa buhay, at pagdududa sa kinabukasan. Ngunit dahil sa ating pananampalataya sa Diyos ay mas naging matingkad ang maraming aral na ibinigay sa atin sa panahon ng Pandemya.
Sa panahon ng Pandemya, ipinapahiwatig sa atin na hindi sapat ang nakasanayan nating pananalangin na mag-isa lang. Ibig ng Diyos na manalangin tayo araw-araw nang sama-sama, na nagkakaisa, na buo ang pamilya kasama ang Panginoon sa harap nila. Malaking hamon sa karamihan ang magsama-sama araw-araw upang magdasal dahil hindi na nga ito ang nakasanayan ng karamihang pamilya. Hindi ba’t mas madalas lang nating ginagawa na magsama-sama sa pananalangin tuwing may mga espesyal na okasyon tulad ng piyesta, padasal sa patay, mga pasiyam o pang 40 days na dasal, mga pakikiisa sa pabasa tuwing mahal na araw, tuwing simbang gabi, at sa mga kasal o binyag.
Pero biniyayaan tayo ng Diyos ng maraming pagkakataon na magkasama-sama nang maranasan ang madalas na lock-down. Ako, ang misis ko at ang dalawang anak ko ay hindi na lamang tuwing Linggo nagdarasal nang sama-sama mula noon. Sa pananalangin namin nang sama-sama ay mas natutuklasan namin na mas marami pa palang dapat ipagdasal. Ipapabatid din sa atin na ang pananalangin nang sama-sama ay pagkakataon upang madama na kasama natin ang Diyos sa ating harapan tulad ng sinasabi ng ating Ebanghelyo. Higit sa lahat ay pinalalakas ng pananalangin nang sama-sama ang ating pananampalataya na tiyak na diringgin ng Diyos ang anumang hilingin natin sa ikabubuti ng ating pamumuhay. Walang duda na malaking biyaya sa pamilya ang pahayag ng Ebanghelyo: “Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila."
Prayer
Panginoong Jesus, kami’y nananalig na lalo mo pang pag-iibayuhin ang pagbibigay sa amin ng mga biyaya na magbibigkis sa amin upang sama-sama kaming manalangin sa araw-araw. Buo ang aming pag-asa at pananampalataya na lagi Mong ipagkakaloob sa amin ang mga kahilingan naming higit na makabubuti para sa aming pamumuhay at upang lalo pang mapalapit sa Iyo at makapiling Ka magpasawalang-hanggan. Amen.
No comments:
Post a Comment
Tell us what you feel...