Twenty-fourth Sunday in Ordinary Time (Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon)
17 September 2023
First Reading: Sir 27:30‐28:7
Responsorial Psalm: Ps 103:1-2, 3-4, 9-10, 11-12
Second Reading: Rom 14:7-9
Gospel: Mt 18:21-35
Reflection
By: Renato C. Vibiesca
Sa palabas na Face to Face sa TV, ang programa ay laging nagsisimula sa away ng dalawang tao, magbabangayan sila at makikita talaga ang matinding galit nila sa isa’t isa. Kung minsan ay mag-aambaan na parang magkakasakitan pa at aawatin naman sila ng mga tila bouncer sa set. Pero sa dulo ng programa, laging nagkakasundo ang magka-away, nagkakapatawaran, mangangako ng pagbabago at haharapin na nila ang masayang pamumuhay. Pero sa totoo lang, hindi laging parang tulad sa palabas sa TV na Face to Face ang nangyayari sa buhay natin. Hindi palaging happy ending dahil napakahirap magpatawad ng kapwa natin na sukdulan ang ginagawang kasalanan sa atin. Ang Ebanghelyo natin ngayon ukol sa pagpapatawad ay hindi talaga madaling sundin lalo na kung ang kasalanan ng ating kapwa ay apektado ang ating buhay. Ngunit kung hindi tayo magpapatawad ng ating kapwa, papaano tayo manghihingi ng tawad sa Diyos ng ating mga kasalanan? Ipagdarasal ba natin na “Lord, huwag Mo siyang patawarin kasi napakalaki ng kasalanan niyan sa akin.” Nililinaw sa atin ni Jesus na lagi’t laging kailangan nating patawarin ang sinumang magkakasala sa atin sapagka’t ang Diyos mismo ay handa tayong patawarin sa anumang kasalanan natin.
Minsan napadaan kami sa Edsa nang rush hour. Kaliwa’t kanan ang mga kamote riders na kasabayan naming nakamotor. Kahit ano’ng ingat ko sa pagmamaneho ay nagitgit pa rin kami. Tinamaan nang bahagya ang sapatos ng misis ko at gilid ng motor. Kahit alam kong nasa tama ako, bukod sa may dash cam ang motor namin, ang nanggitgit pa sa amin ang nagalit na parang kami ang may mali. Hindi ko na iginiit na mali siya at tama ako. Hayaan mo na sabi ko sa misis ko na aking angkas, hindi naman grabe ang nangyari, konting gasgas lang ika ko. Habang kumakain kami sa SM, nanggigigil pa rin sa galit ang misis ko dahil sa pagkakagitgit sa amin. Iniba ko na lang ang usapan para makalma na ang misis ko. Pagkaraan ng ilang araw, tinatanong ako ng aking misis tungkol sa nanggitgit sa amin sa Edsa, gusto niyang ikuwento ko ang detalye, pero sabi ko’y hindi ko na matandaan iyon. Tapos tinanong niya ako kung ano ang kinain namin sa SM ng gabing iyon at sinabi ko naman. Sabi ng misis ko, “Natandaan mo lahat ang kinain natin pati presyo pero hindi mo matandaan nung ginitgit tayo ng kamote rider?” Pinaliwanag ko sa misis ko na hindi ko na iniisip pa ang mga pinatawad ko na, binubura ko na sa isipan ko upang hindi na ito maging bagahe pa sa aking pagmamaneho. Kung paulit-ulit ko kasing aalalahanin at poproblemahin ang mga may kasalanan sa akin, baka uminit lagi ang ulo ko, baka ma-high blood pa ako. Siguradong maaapektuhan ang pagmamaneho ko at pakikitungo sa iba pang motorista pag dinala ko pa ang bagaheng iyon. Napagtanto ko na magandang pagsasanay ng pagpapatawad sa kapwa ang tulad ng pagpapatawad sa mga nagkakamali at nagkakasala na mga motorista. Ang pagiging kalmado ay malaking bagay sa pagpapatawad. Mahirap ito pero posible. Kung ang dami ng alalahanin natin sa buhay ang nagpapahirap sa atin upang magpatawad ng kapwa, isipin na lang natin ang dami ng kasalanan natin sa Diyos na dapat nating ihingi ng tawad. Kung hihingi tayo ng tawad sa Diyos, ihingi na rin natin ng tawad ang mga nagkasala sa atin. Habang buhay pa’y mas magandang ihingi na rin sila ng tawad sa Diyos kaysa sa nakasanayan natin na ihinihingi lang natin ng tawad ang mga kaluluwa ng mga mahal natin sa mga padasal.
Prayer
Panginoong Jesus, dalangin namin ang biyaya ng pagpapatawad upang ang lahat ng nagkasala sa amin ay agad naming mapatawad. Sa pamamagitan ng pagpapatawad sa aming kapwa, mapatawad Mo din Panginoon ang lahat ng aming kasalanan. Amen.
No comments:
Post a Comment
Tell us what you feel...