Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon
08 Abril 2024
Unang Pagbasa: Is 7:10-14; 8:10
Salmong Tugunan: 40:7-8a, 8b-9, 10, 11
Ikalawang Pagbasa: Heb 10:4-10
Mabuting Balita: Lk 1:26-38
Repleksyon
Ni: Bro. Emerson C. Maala
Nasa simbahan ako noon at nakikipag-usap sa isang pari tungkol sa aking Bokasyon. “Father nag-exam po ako sa seminaryo. Pero di po ako sigurado.” “Anak kung di ka pa sigurado, tapusin mo muna ang pag-aaral mo. Third year ka na at ilang taon na lamang ay ga-graduate ka na.” “Opo nga po.” Isa ding pari ang aking nakausap at ganoon din ang sinabi. “Kung sa akin, mas maganda tapusin mo muna ang pag-aaral mo. Tapos magtrabaho ka ng isang taon. Para masubukan mo muna ang labas bago ka pumasok ng seminaryo. Pero kung ano ang tingin mong pagtawag sa iyo, ipagdasal natin.” Nagpapraktis ako noon ng nga sakristan sa simbahan nang may biglang tumawag sa akin. “Hello Emerson, si Father Randy ito. Nakapasa ka sa Seminaryo.” “Ay talaga po. Salamat po” 'yun na lamang ang tanging nasambit ko. Wala na akong ibang nasabi. Nang walang katiyakan, tinanggap ko ang pagpasok sa seminaryo.
Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang pagbabalita ni San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Birheng Maria ang Misteryo ng Pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesukristo. Sa ebanghelyong ating napakinggan, ang Anghel Gabriel ay nagdala ng Mabuting Balita kay Maria. Si Maria ay maglilihi lalang ng Espiritu Santo. Wala siyang katiyakan sa nagaganap. Nagugulumihanan kung ano ang mga nangyayari. Ngunit sa kabila nito, nang malaman ni Maria na mula sa Diyos ang pagbabalitang ito ng Anghel Gabriel, tinanggap pa rin ni niya ang Mabuting Balita, si Hesus na isisilang mula sa kanyang sinapupunan.
Sa ating buhay, may mga iba't ibang balita tayong natatanggap. May masamang balita at mabuting balita. Malungkot kung masamang balita ang ating natatanggap. At iba naman ang saya kapag mabuting balita ang ating natatanggap. Gayundin, iba din naman kung sumasang-ayon sa atin o hindi ang isang balita. Katulad na lamang ng mga pansarili nating mga plano na hindi sumasang-ayon sa atin.
Sa kabila nito, isa lang ang pinakatiyak na Mabuting Balita. Walang iba kundi si Hesus. Si Hesus na buong pusong tinanggap ni Maria at upang kanyang ipagdalang-tao. Sinunod ni Maria ang plano ng Diyos. Isang Mabuting Balita na buong pusong tinanggap nang walang pag-aalinlangan. "Ako'y alipin ng Panginoon, maganap nawa sa akin ayon sa wika mo."
Kaya naman tanggapin din natin ang Mabuting Balita. Si Hesus, na patuloy na sumasama, dumadamay, at nagmamahal sa atin. Amen.
Panalangin
Ama naming makapangyarihan, sa pamamagitan ng Anghel Gabriel ay natanggap ni Maria ang Mabuting Balita, si Hesus na Iyong anak at aming Panginoon. Tulungan Mo kaming tanggapin din ang Mabuting Balita na Iyong kaloob sa amin, at maging tagapagbahagi din nito sa iba. Sa ikararangal mo, sa pamamagitan ni Hesukristo, kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.
No comments:
Post a Comment
Tell us what you feel...