Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / Linggo ng Banal na Awa
07 Abril 2024
Unang Pagbasa: Gawa 4:32-35
Salmong Tugunan: 118:2-4, 13-15, 22-24
Ikalawang Pagbasa: 1 Jn 5:1-6
Mabuting Balita: Jn 20:19-31
Repleksyon
Ni: Bro. Emerson C. Maala
Bahagi na ng tradisyon ng pagdiriwang ng mga mahal na araw na may mga gumaganap na Apostoles ng ating Panginoong Hesus. Ito'y isang paraan din ng ebanghelisyason upang maipakilala ang labindalawang apostoles sa mga tao.
Sa isang karanasan dito sa bayan ng Taytay, sa probinsiya ng Palawan, ang mga gumaganap na mga apostoles ay hindi lamang makikita sa tatlong araw na pagdiriwang ng pagpapakasakit at pagkabuhay ng Panginoon, bagkus sila ay nagbabahay-bahay upang mag-imbita sa magaganap na pagdiriwang at gayundin ay maipanalangin ang Tahanan at ang Pamilya. Sa aking pakikipagkwentuhan sa kanila, masaya nilang ibinabahagi ang kanilang mga naging karanasan. "Alam niyo brother, unang beses ko na gumanap bilang apostoles. Bagama't nakakapagod dahil sa init at layo ng nilalakad dahil ilang bundok ang tinawid namin, masaya dahil tuwang tuwa yung isang sitio na pinuntahan namin. Akala nila, hindi namin sila pupuntahan. May Awa talaga ang Diyos. Sinamahan kami sa paglalakbay na ito."
Pagtawid at Awa ng Diyos.
Sa patuloy nating pagdiriwang ng muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo, at ang ikalawang Linggo ng Pagkabuhay ay tinatawag din na Divine Mercy Sunday, inaanyayahan tayo nito sa patuloy nating pagtawid sa buhay kasama ng ating Panginoon.
Pagtawid. Mula sa salitang tawid na ang ibig sabihin ay pagpunta o pagtungo mula sa isang lugar o sitwasyon patungo sa isa pang lugar o sitwasyon. Ito ang karanasan ni Hesus sa kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at pagkabuhay. Tinawid ni Hesus ang kamatayan patungo sa Kanyang buhay na walang hanggan. Bakit? Dahil sa Awa. Awa ng Diyos Ama kaya Niya ibinigay sa atin ang Kanyang Bugtong na Anak. At gayundin, nang dahil sa Awa, tinawid naman ni Hesus ang hirap na kanyang dinanas upang sa gayon, tayo ay maligtas mula sa kadiliman ng kasalanan. Awa na patuloy niyang ipinagkakaloob sa atin sa kabila din ng mga marami nating pagkukulang.
Marami sa atin ang may karanasan ng Pagtawid. Maaaring, pagtawid ng dagat. Pagtawid ng kalsada. Pagtawid sa himpapawid. At gayundin, sa marami din nating pagtawid sa karanasan ng ating buhay. Gayunpaman, sa bawat pagtawid natin, hindi nawawala ang mga pagasubok. Mga bagay na nagbibigay takot at nagpapahina sa ating loob upang makatawid.
Sa mabuting balita, matinding takot ang naging karanasan ng mga alagad na kanilang hinarap upang makatawid sa kanilang pananampalataya. Nakasarado ang mga pintuan at bintana dahil bilang mga taga-sunod ni Hesus ay maaaring mangyari din sa kanila ang sinapit ng ating Panginoong Hesus. Ngunit hindi naging matagumpay ang takot na ito. Dahil sa tulong ni Hesus, itinawid Niya ang mga apostol mula sa takot, patungo sa patuloy na pananampalataya na nagdudulot ng kagalakan at pag-aalab ng mga puso.
Gaya din ng sabi ni San Juan sa kanyang sulat, nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa pamamagitan ng panampalataya, sumisibol ang puso na handang magtaya, kahit ng buhay at kamatayan para sa Diyos at kapwa.
Bunga nito, ang mga apostol ay patuloy na nagpatotoo sa muling pagkabuhay ni Hesus. Buong tapang na ipinahayag na si Hesus ay muling nabuhay at gayundin ay naging daluyan ng Awa ng Panginoon, na magpasahanggang ngayon ay patuloy nating tinatanggap.
Katulad ni Hesus na tumawid mula sa kamatayan patungo sa buhay na walang hanggan at ng mga apostol na tumawid mula takot patungo sa pagsaksi sa muling pagkabuhay ni Hesus, tayo rin ay inaanyayahang tumawid mula sa lumbay patungo sa pag-aalab ng pananampalataya, gayundin sa pagtawid mula sa mga kasalanan patungo sa grasya at Mabathalang Awa ng Diyos. Dahil ang Diyos ay patuloy na nagbibigay sa atin ng kanyang Awa. Amen.
Panalangin:
Ama naming maaawin, patuloy Mo kaming kalingain. May mga takot din kami sa buhay na humahadlang sa aming pananampalataya sa Iyo. Patuloy mo kaming bigyan ng Iyong Awa, dahil hindi kami karapat-dapat sa ginawang pagpapakasakit ni Hesus sa Krus. Nawa sa pamamagitan nito, ay patuloy na mag-alab sa aming mga puso ang aming pananampalataya sa Iyo, sa pamamagitan ng Iyong anak na aming Panginoong Hesukristo, kasamang Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.
No comments:
Post a Comment
Tell us what you feel...