Powered by Blogger.

Friday 5 July 2024

Fourteenth Sunday in Ordinary Time

    

Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon

07 Hulyo 2024

 
Unang Pagbasa: Ezekiel 2, 2-5
Salmong Tugunan: Salmo 122, 1-2a. 2bkd. 3-4
Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 12, 7-10
Ebanghelyo: Marcos 6, 1-6
 
Pagninilay
Ni: Renato C. Vibiesca
 
Sa tuwing may kakaiba o bagong kinikilos ang kaibigan natin o kamag-anak, ang pagtataka natin ay nauuwi sa pagtatanong na: "Ano kayang nakain niya?" Hindi tayo makapaniwala agad sa pagbabagong anyo o kakaibang ugali niya dahil hindi maalis sa isip natin ang dati niyang pagkatao. Kaya’t nasasabi nating: "Iba ka na talaga!" Hindi na siya ang dating kilala natin o ang iba naman ay itatanong pa talaga kay Maricon (kay Mare, para ma-confirm) kung totoo talaga ang balita tungkol sa pagbabago niya. Kadalasan kasi’y ikinakahon ang tao sa kung ano ang pagkakakilala natin noon at tila wala nang pag-asang magbago pa ito sa kasalukuyan. Tulad ng pagtataka ng mga kapitbahay ni Hesus at ng iba pang tao mula sa sarili niyang bayan, hindi nila matanggap si Hesus bilang isa nang magaling na guro at maraming alagad na tagasunod. Nanatili sa kanila ang Hesus na simpleng karpintero at pagkakakilala na anak lamang siya ng mga simpleng tao.

Noong nasa elementarya at high school ako, may kaklase ako na kinatatakutan ko talaga. Siya kasi ‘yung itinuturing naming siga ng Tundo. Binu-bully niya kasi ang mga estudiyante noon. Kung may gusto siyang kunin sa amin ay kinukuha niya ito at hindi kami nakakapalag. Kaya’t lagi akong alerto sa paaralan upang iwasan siya. Iniisip ko noon na masamang impluwensiya siya kaya’t dapat iwasan. Ang hula ko ay hindi siya makakapagtapos ng pag-aaral at malululong sa masamang bisyo dahil sa mga barkada niya. Pagkaraan ng ilang dekada, nagulat ako nang mag-krus muli ang daan namin ng siga ng Tundo. Ang totoo, umiwas uli ako sa kanya, nagtago ako kung saan ay hindi niya ako makikita pero mapagmamasdan ko pa rin siya. Hindi ko alam kung na-trauma ba ako at hanggang ngayon ay iniiwasan pa rin siya, pero hindi ang takot sa kanya ang talagang dahilan ng pag-iwas ko. Naninibago kasi ako sa hitsura at kilos niya, kaya’t hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. ‘Yung dati kasing siga at mukhang sanggano ay ang linis-linis na, mukhang kagalang-galang at kapitapitagan kung kumilos. Hindi na siya ‘yung dating siga ng Tundo. Natuklasan ko na isa na siyang pastor at napakahusay mangaral. Pero papaano nangyari iyon? Hindi ba’t puro bulakbol at pambu-bully ang ginagawa niya noong nag-aaral pa kami? Samantalang ako na nagbabait-baitan noon na sumali pa sa iba’t ibang relihiyosong organisasyon at pumasok pa sa seminaryo sa pangarap na maging pari ay hindi naman natupad. Pero tulad ni Hesus, ang siga ng Tundo ay hindi nagpatinag sa mga nagdududa at hindi naniniwala sa kanyang pagbabago dahil nagsumikap pa rin siyang mangaral sa maraming lugar sa Tundo. Ang hatid ng Ebanghelyo ngayon ay ang pagpupursigi na maglingkod sa kapwa sa kabila ng maraming balakid at hindi paniniwala ng mga tao mula sa sariling bayan.

Panalangin:

Panginoong Hesus, dalangin nami’y matimyas na pasasalamat sa pagkakaloob ng lakas ng loob at pagpupursigi na maglingkod sa aming kapwa kahit na maraming hindi sumasang-ayon sa kabutihang ito.  Patuloy naming pagsusumamo ang biyaya ng Espiritu Santo na pagningasing lagi ang aming kaloobang maihayag ang iyong Mabuting Balita. Amen.


No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP