Powered by Blogger.

Saturday 13 July 2024

Fifteenth Sunday in Ordinary Time

    

Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon

14 Hulyo 2024

 
Unang Pagbasa: Amos 7, 12-15
Salmong Tugunan: Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Ikalawang Pagbasa: Efeso 1, 3-14
Ebanghelyo: Marcos 6, 7-13
 
Pagninilay
Ni: Renato C. Vibiesca
 
Sa maraming paraan at biyaya ng Diyos, lahat naman tayo ay tinatawag ni Hesus at ipinadadala sa iba’t ibang misyon sa buhay. Sa Mabuting Balita, ipinapakita sa atin ang dapat na maging halimbawa ng mga Apostol kung papaano tayo gagampan sa ating lakbayin bilang mga Kristiyano. Ibinibilin ni Hesus na maging simple lang sila (pinagbawalan pa nga na magdala ng kung anu-ano, light packer ika nga) kahit na ipinagkaloob sa kanila ang maraming kapangyarihan ng Diyos upang tulungan ang mga tao. Pero papaano kung ang mga pari at obispo mismo natin na nagsisilbing mga Apostol ng ating panahon ay kayraming “excess baggage” na dalahin sa buhay? Gagayahin din ba natin sila?

Halimbawa ang pagkakaroon ng maraming mamahaling sasakyan ng ilang kaparian na ang madalas na katuwiran ay donated lang naman daw iyon ng isang mayamang pilantropo o politiko. Naalala ko ang isang mabuting halimbawa ng isang pari mula sa isang relihiyosong kongregasyon na madalas sumasakay ng jeep papunta sa kanyang misyon at kung minsan ay nakikita pa naming nakasabit sa jeep kung wala na talagang upuan, kahit pa may mga sasakyan naman ang kanilang kongregasyon. “Mas maraming mahalagang misyon ang sineserbisyuhan ng mga sasakyan namin kaya mas pinipili ko na mag-jeep na lang”, ang sabi ng paring ito. Kalaunan ay nahalal siya ng kanilang kongregasyon na maging Superior pero hindi pa rin siya bumili ng sarili niyang kotse at kaya pa rin niyang mag-jeep kung kinakailangan.

May naging boss naman ako sa trabaho na isang pari na napaka-cool, parang hindi siya pari ang sabi ng ibang tao. “Father, nasa langit na ba ako?” Naitanong ko ito noon kay Fr. G sa kanyang opisina dahil parang nakalutang na kami sa ulap mula sa kapal ng usok na galing sa kanyang paninigarilyo. Ang totoo, napasindi rin ako ng yosi bago kami nag-usap sa mala-ulap niyang opisina. Isa kasi ito sa bisyo ko noong aking kabataan (na madalas ka-jamming ko pa si Father “cool” sa pagyoyosi). Pero mababait naman po kami nina Father G noon dahil mga kuwento at karanasan base sa Ebanghelyo ang isinusulat namin at inilalathala sa komiks. Teka? Paano nangyari ‘yun, puro bisyo pala kayo at Gospel pa naman ang isinusulat n’yo? Ito ang komento na ayaw naming marinig noon. 

Minsan namang napasabay ako sa sasakyan ng isang pari papunta sa Cordillera, bago bumiyahe paakyat ng bundok ay bumili ng isang kahong alak na Gin ang pari. Nagulat ako dahil napakarami namang alak ang binili niya at binulungan niya ako na para raw iyon sa mga kasama niyang pari dahil sobrang lamig sa bundok. Pero totoo nga na napakalamig sa kabundukan kaya’t napatagay din ako, kaso nalaman ko na gabi-gabi pala nagpapainit ang ilang pari. Naalala ko tuloy ang isang pari sa aming Parokya sa Tundo na gabi-gabi naming nakikitang nakainom kahit napakainit ng panahon, pero mabait naman siya at hindi kami sinesermunan.
Dahil sa mataimtim na pananalangin, pagsisikap at grasya ng Diyos, natatanggal natin ang mga bisyo o mga “excess baggage” na ito. Pero habang tayo’y naglalakbay at naglilingkod sa bayan ng Diyos, patuloy na nilalapitan tayo ng mga tukso at samu’t saring bisyo na pilit sumasama sa ating paglalakbay. Ang masasamang bisyo, maliit man o malaki, mga karangyaang sinasarili natin, mga burloloy o sobra-sobrang palamuti sa ating katawan o pamumuhay ay nagsisilbing “excess baggage” sa ating buhay Kristiyano.  Nagkakaroon ng mas malaking pakinabang ang mga “excess baggage” na ito kung naipapamahagi sana ang katumbas na halaga nito sa mga mas higit na nangangailangan sa buhay.

Panalangin:

Panginoong Hesus, tulungan Mo kami at ang mga lingkod ng bayan sa aming lakbayin, lalo na ang mga Kaparian at lahat ng nagsisilbi sa simbahan, upang tunay na maihatid ang Iyong Mabuting Balita sa pamamagitan ng kanilang mabuting halimbawa. Amen.

No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP