Powered by Blogger.

Saturday, 22 November 2025

Kristong Hari

Dakilang Kapistahan ng Pagkahari

Nobyembre 23, 2025

 
Unang Pagbasa: 
Salmong Tugunan: 
Ikalawang Pagbasa: 
Mabuting Balita: 
 
Pagninilay
Ni: Renato C. Vibiesca
 
Wala tayong malinaw o malalim na konsepto ng pagkakaroon ng hari dahil wala sa kultura natin ito o wala tayong karanasan na mapasakop sa isang hari bilang pinuno ng ating bayan, maliban noong panahon ng kolonyalismo na malupit at malungkot na kasaysayan naman ang naranasan. Madalas na nakikita lang natin ang anyong kastilyo sa mga resort o pasyalan bilang dekorasyon ng lugar upang magmukhang kaharian iyon. Ang Fantasy World sa Lemery, Batangas ang tanging kastilyong nakita ko sa Pilipinas na isang amusement park at tinaguriang Disneyland ng Pilipinas. Pero napakaliit nito kung ikukumpara sa Disneyland sa ibang bansa. Nagkaroon lamang ako ng mas malawak na pagmumuni tungkol sa kastilyo at sa kaharian nang bigyan ako ng grasya ng Diyos na makakita nito sa ilang mga bansa sa Europa. Una, hindi lang bakas ng kasaysayan ang ipinapahiwatig nito kundi ang kadakilaan at kabutihan ng isang hari sa kanyang nasasakupan. Isa sa una kong napansin sa mga kastilyo ay napalilibutan ito ng matitibay na pader o moog, ang istrukturang ito ng kaharian ay ibig patunayan sa nasasakupang mamamayan na magtiwala sila dahil ligtas sila sa loob at laging kinakalinga sila ng kanilang hari. Kapag may magtatangkang sumira ng kastilyo o manakop ng kanilang kaharian, ang hari ang nangunguna sa kanyang mga kawal upang ipagtanggol ang kaniyang nasasakupan. Sinisiguro rin ng hari na sapat at masagana sa lahat ng bagay ang mamamayan upang manatili silang masaya sa kanilang pamumuhay. Napapaisip ako na ang pagiging mabuting hari marahil ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay maunlad na mga bansa ang karamihang nasa Europa. Subalit higit pa sa lahat ng kagalingan ng kastilyo o anumang kaharian sa Europa o maging sa buong mundo ang nais ibigay ng ating Kristong Hari nang ipangako niya sa Ebanghelyo na isasama sa paraiso ang magnanakaw na nagbalik-loob at nanampalataya kay Hesus. Sapagkat ang Kaharian ng Diyos ay walang hanggan na hindi tulad sa anumang kaharian sa mundo na maglalaho at lilipas pagdaan ng panahon. Tanging ang Kristong Hari ang matibay na moog na nagliligtas sa ating mga kasalanan, ang tagapagtanggol ng tapat na sumasampalataya sa Kanya, ang Hari na nagbibigay ng kasaganaan, ang Diyos na nagbibigay ng walang hanggang kaligayahan. Ang matimyas na pag-ibig sa atin ng Kristong Hari ay biyaya ng kaligtasan ng mga tapat na sumasampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng pagtakwil sa mga kasalanan at pagbabalik-loob, pagpapanibago ng buhay, at pagbabayad-puri sa lahat ng nagawang pagkukulang sa Diyos at sa kapwa. Amen.
 
Panalangin

Panginoong Hesus, nagsusumaamo kami na patawarin ang aming mga kasalanan, dulutan ng biyaya na makapagbagong buhay at manatiling tapat sa Iyo habang nagbabayad-puri kami sa lahat ng masamang aming nagawa upang maisama mo rin kami sa Iyong Kaharian. Amen.

No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP