Powered by Blogger.

Saturday, 15 November 2025

Pagganap sa Tungkulin


Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon

Nobyembre 16, 2025

 
Unang Pagbasa: Malakias 3:19-20a
Salmong Tugunan: Salmo 98:5-6, 7-8, 9
Ikalawang Pagbasa: 2 Tesalonica 3:7-12
Mabuting Balita: Lucas 21:5-19
 
Pagninilay
Ni: Renato C. Vibiesca
 
Kaliwa't kanan ang dagok sa buhay natin dahil samu't saring sakuna ang dumaan sa ating bayan at itinuturing na ngang delubyo ito ng ilan tulad ng malalakas na lindol, sunod-sunod na bagyo't baha, at malawakang kagutuman. Binabagabag din tayo ng giyera sa iba't ibang panig ng mundo at banta sa seguridad sa sarili nating bansa. Naglalabasan din ang mga bulaang propeta na nagsasabing gugunawin na ang mundo. Pero sa Ebanghelyo ngayon, pinapaalalahanan tayo ng ating Panginoong Hesus na kung mananatili tayong tapat sa pananampalataya sa Kanya, hindi tayo dapat matakot dahil ang Diyos mismo ang ating sandigan na magliligtas sa atin. Ang totoo, hindi naman talaga natin alam kung kailan ang eksaktong araw ng paggunaw ng mundo o kahit nga ang oras ng ating kamatayan mismo, ngunit ang sigurado ay ang pag-ibig ng Diyos sa ating mga nananampalataya. Kaya nga hindi tayo natatakot kung sumapit ang araw na ito, bagkus pinapaigting natin araw-araw ang pananalig sa Diyos.

Bilang paghahanda, hindi natin inaabangan ang mga senyales sa langit, sapat na ang paggampan natin ng ating mga tungkulin sa buhay nang may pagmamahal at pag-aalay sa Diyos. Kung ikaw ay estudiyante, sapat na ang pag-aaral nang mabuti; kung ikaw naman ay padre de pamilya o ina ng tahanan, sapat na ang patuloy na paghahanapbuhay at masigasig na pag-asikaso sa pangangailangan ng pamilya; kung ikaw ay nagtatrabaho sa pamahalaan, sapat na ang maging matapat na lingkod-bayan sa araw-araw. Ang mumunting kabutihan natin sa araw-araw na pamumuhay ang magsisilbing magandang senyales ng paghahanda at pagmamahal natin sa Diyos. Ang mga salita ng ating Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ang patunay na hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos kung sumapit na nga ang araw na iyon.

Panalangin

Panginoong Hesus, nananalig kami sa Iyong pangako na hinding-hindi Mo kami pababayaan sa oras na sumapit ang aming kamatayan. Biyayaan Mo kami ng grasya ng pagmamahal sa Iyo sa araw-araw sa pamamagitan ng paggampan namin ng aming mga tungkulin para sa mga mahal namin sa buhay. Amen.

No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP