Powered by Blogger.

Saturday, 8 November 2025

Bahay-Dalanginan

Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma

Nobyembre 09, 2025

 
Unang Pagbasa: Ezekiel 47:1-2, 8-9, 12
Salmong Tugunan: Salmo 46:2-3, 5-6, 8-9
Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 3:9c-11, 16-17
Mabuting Balita: Juan 2:13-22
 
Pagninilay
Ni: Renato C. Vibiesca
 
Para sa mga aktibong Katoliko o Kristiyano, alam na natin na hindi lamang ang gusali o batong istruktura ang tinutukoy kapag sinabing simbahan, kundi ang sambayanan ng Diyos. Sa katesismo, nalaman nating tatlo ang sambayanan ng Diyos, ang Simbahang Nagtagumpay, Simbahang Nagdurusa, at ang Simbahang Nakikibaka. Magkaka-ugnay ang tatlong sambayanan ng Diyos dahil kailangan nila ang isa’t isa. Pero hindi ko na iisa-isahing ipaliwanag ito dahil mas personal ang gusto kong ibahaging pagninilay ngayon. Nanaginip kasi ako kagabi at nagpakita sa panaginip ko ang aking kaibigang namayapa na at isa pang kaluluwa na hindi ko kilala. Sa panaginip ko, nasa compound kami ng Communication Foundation for Asia (CFA), sa dati naming pinapasukan bilang alagad ng tagapaglathala ng Gospel Komiks, Catholic Digest at iba pang babasahin. Hinabol ko ang aking kaibigan nang dumaan sa harap ko at iba pang kasama naming nagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag ng CFA; Rocel Siena ang pangalan niya at sa panaginip ko nga ay alam kong patay na siya o kaluluwa na lang ang nakikita ko. Binati ko siya nang maabutan at kinamayan ko pero parang nag-aalangan siyang iabot ang kanyang kamay na mabilis ko namang kinuha at napansin kong malambot ito. Napansin ko ring kumikinang ang balat niya sa mukha. Sinabi ko sa kanya na buti’t pinayagan siya ng Diyos na makabisita muli sa lupa at ang sagot niya ay “siyempre kaibigan kita”. Tuwang-tuwa ako pagsabi niya noon, pero alam ko na nanghihingi siya ng panalangin. Nagtanong ako sa kanya kung totoo nga bang may Purgatoryo dahil gusto kong malaman kung dapat ko nga ba silang ipagdasal, pero hindi siya sumagot. Siguro’y limitado lamang ang salitang pinahintulutan ng Diyos na sabihin niya. Ang sumagot ay ang isa pang kaluluwa na kasama niya pero hindi ko siya kilala, ang sabi niya ay “mula sa kinalalagyan namin ay napakahirap makarating sa langit”. Pagkasabi niya noon, nagising na ako at naunawaan ko na kinakailangan natin talaga silang ipagdasal upang makasama na rin nila ang Simbahang Nagtagumpay na kapiling ang Diyos. Dapat nga talagang walang patid na ipanalangin natin (bilang Simbahang Nakikibaka) araw-araw ang Simbahang Nagdurusa (kaluluwang nasa Purgatoryo) dahil tayo lamang ang inaasahan nila. Bago nga pala ako nagising, nasabi ko kay Rocel na huwag niya kaming kalimutang ipagdasal din sa Diyos kung nanduon na siya sa Langit. Kaya nga marami sa ating mga mahal sa buhay na namayapa na sinasabihan nating ipagdasal din tayong nakikipaglaban pa sa mundong ito dahil naniniwala tayo na marami na sa ating mahal sa buhay na kapiling na ang Diyos.

Samantala, nakakalungkot namang makita na ang simbahang gusali na dinadalanginan natin ay nalalapastangan na ng mga negosyante. Maraming simbahan sa Europa ngayon na kailangang magbayad muna bago ka makapasok sa loob at napalitan na ang pagiging sagradong dalanginan nito sa mabilisang pagbisita ng mga turista para alamin lamang ang kasaysayan o mamangha na lamang sa disenyo't sining ng mga rebulto't santong nakapinta, o mamalas ang arkitektong istilo nito na para bang bumisita sa isang museo. Madami ring ibinebentang produkto na nagsisilbing souvenir sa paligid ng simbahan. Sa Pilipinas, hindi pa naman natin ginagawang museo ang mga simbahan at kalimitang bulaklak at kandila lang ang nabibili sa harap ng simbahan. Kung nawala ang respeto natin sa dambanang dalanginan, naglalaho rin ang pagmamahal natin sa ating Diyos na laging gustong tumulong sa atin na manalangin sa kanyang dambana.
 
Panalangin

Panginoong Hesus, paalalahanan mo kaming lagi na irespeto ang Iyong simbahang dalanginan upang araw-araw naming idulog sa Iyo ang mga namayapang kapatid namin upang makapiling Mo na sila sa Iyong Kaharian. Amen.



No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP