Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano
Nobyembre 02, 2025
Unang Pagbasa: Karunungan 3:1-9
Salmong Tugunan: Salmo 23:1-3a, 3b-4, 5, 6
Ikalawang Pagbasa: Romano 5:5-11
Mabuting Balita: Juan 6:37-40
Pagninilay
Ni: Renato C. Vibiesca
Sa ating kultura ang Undas ay hindi lamang para sa pag-alaala sa mga patay kundi panahon din ito ng pagsasama ng buong pamilya. Ang magkakamag-anak na malayo na sa isa’t isa ay sinisikap na muling magbuklod sa puntod ng namayapang minamahal upang ipanalangin ang kanilang kaluluwa. Ang pag-aalay ng kandila, bulaklak, pagkain at pagsasama-sama ay mahalagang ritwal ng pag-aalaala upang mapanatili ang ating pananampalataya sa Diyos na tayong lahat ay muling mabubuhay magpasawalang-hanggang. Ang ating Panginoong Hesus ang pinanggagalingan ng ating matibay na pananampalataya dahil ang kanyang muling pagkabuhay mula sa pagkamatay sa krus ay patunay na sa huling araw ay bubuhayin din tayong muli upang makapiling at mahalin ang Diyos. Kaya nga marapat lang na pagnilayan din sa panahon ng Undas ang kamatayan natin sa mundong ibabaw, pero hindi upang takutin ang ating sarili tulad ng karaniwang ginagawa sa Holloween party. Ang tunay na paghahanda sa kamatayan ay araw-araw na pagpapahalaga sa buhay na nilalaan para pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Hindi pagkatakot o pag-aalala (worry) sa oras o araw ng kamatayan ang paghahanda. Ang dapat nating gawin sa paghahanda sa kamatayan ay ang pag-aalaala (remembering) sa pagmamahal ng Diyos sa atin bawat oras na nabubuhay tayo. Habang nabubuhay tayo ay laging nandiyan ang pagmamahal sa atin ng Diyos na hanggang sa oras ng kamatayan ay nananatili ang pagmamahal na ito. Kaya nga dapat na mahalin nang lubos ang bawat oras ng ating buhay dahil ito ay biyaya ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Itinuro naman ng ating Panginoong Hesus ang paraan kung papaano natin maibabalik sa Diyos ang tapat na pag-big at ito’y sa pamamagitan ng pagpapakita rin natin ng pag-big sa ating kapwa.
Sa panahon ngayon na lagi na lamang naka-focus tayo pagmamahal sa sarili at nakalilimutan na ang kapwa sa paligid; namamatay ang ating sensibilidad sa mga nangangailangan ng tulong dahil nabubulagan sa pag-angkin ng yaman ng mundo at kadalasang nagiging sakim para sa sarili; magandang pagkakataon na pagnilayan din kung papaano natin ginugugol ang oras ng ating buhay para sa iba, lalo na sa kapwa tao na nakikita nating nahihirapan sa buhay. Hindi ba’t ganito ang ginawa ng mga Santo habang sila’y nabubuhay? Bukod sa paglalagay ng mga Santo ng tanda ng kamatayan, halimbawa’y ang pagsusuot ng singsing o kwintas na may nakasulat na “memento mori” sa wikang Latin na ang ibig sabihin ay “alalahanin ang kamatayan”, ginugugol nila ang bawat oras nila sa mundo sa paglalaan ng kabutihan sa kapwa lalo na sa mga higit na nangangailangan. Pinatunayan ng mga Santo noong nabubuhay pa sila na ang pagmamahal at pagtulong sa kapwa ay ang tunay na paghahanda sa ating kamatayan. Mahirap gawin ito dahil nasanay na tayo sa pamumuhay na laging sarili ang ating iniisip o para sa kapakanan ng ating sariling pamilya ang laging pinagkakaabalahan na hindi naman masama dahil kagustuhan din ng Diyos na buhayin natin ang ating pamilya ng masagana at marangal. Pero kung magiging sakim tayo sa ating sarili o mananatili lang sa ating pamilya ang biyaya ng Diyos, madali nating makalilimutan ang “memento mori”-- na ang lahat ng kayamanan ng mundo ay maiiwan, maliban sa pag-ibig ng Diyos. Hindi naman kailangang engrande lagi ang pagtulong sa kapwa. Kaya ba nating gawin sa ngayon ang ginawa noon ni San Franciso ng Assisi na ipamigay lahat ang sariling kayamanan sa mahihirap hanggang sa kahuli-hulihang saplot sa katawan? Hindi sa ganoong paraan pero sa maliliit na pagkakataon ay siguradong kayang-kaya natin, pagnilayan halimbawa ang mga sumusunod: huwag nang tumawad sa tinitindang gulay na nakalagay sa bilao sa palengke; magbigay ng kahit maliit na tip sa serbidora sa karinderyang kinainan; dalasan ang pasyal sa matatandang magulang at kamag-anak; bigyan ng malamig na tubig ang basurero kapag dumaan sa harap ng bahay ang trak ng basura; huwag awayin kundi patawarin ang nakagasgas ng kotse mo; kung kumita ng malaki’y gawing papel na pera ang ihulog sa simbahan para hindi laging barya ang alay sa pagsamba; ipamigay na sa mga magsasaka (o barangay tanod na gabi-gabing naglilibot sa inyong kalsada para panatilihin ang kapayapaan ng iyong pagtulog) ang mga sapatos at damit na bagong-bago pa ang hitsura pero hindi naman na ginagamit (pwede ring ihulog sa Segunda Mana ng Caritas); maglagay ng puting ribbon o bumusina bilang pakikisangkot sa laban ng katiwalian sa bayan; huwag itapon kung saan-saan ang shower cap na ginamit pagkatapos sumakay sa motorcycle taxi; at ang dami-daming pang maliliit na bagay sa mundo ng pagpapakita ng pagmamahal sa kapwa at sa Diyos bilang paghahanda sa ating kamatayan o masasabi nating ang mga ito’y selebrasyon ng ating buhay sa mundo.
Panalangin
Panginoong Hesus, dalangin nami’y pagkalooban mo na ng walang-hanggang buhay sa langit ang mga namayapa naming mahal sa buhay at kami naman ay mapatawad mo sa lahat ng aming pagkakamali. Manatili nawa kami sa iyong matimyas na pag-ibig at laging alalahanin at paghandaan ang aming kamatayan sa mundong ibabaw sa pamamagitan ng pag-ibig din namin nang lubos sa aming kapwa. Amen.

No comments:
Post a Comment
Tell us what you feel...