Powered by Blogger.

Monday, 25 April 2022

Ang Misyon Para sa Mga Manggagawa

  

 Third Sunday of Easter

(Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay)

01 May 2022 

 
First Reading (Unang Pagbasa): ACTS (Gawa) 5:27-32, 40b-41
Responsorial Psalm (Salmong Tugunan): PS (Slm) 30:2, 4, 5-6, 11-12, 13
Second Reading (Ikalawang Pagbasa): REV (Pag) 5:11-14
Gospel (Ebanghelyo): JN 21:1-19
 
Reflection (Repleksyon)
By (Ni): Renato C. Vibiesca
 
Paborito ko sa Ebanghelyo ngayon ang eksena na ipinaghanda ng Panginoong Jesus ang mga disipulo ng almusal sa tabing dagat. Biruin mo, ipinagluto pa sila ni Jesus ng isda at may kasama pang pandesal (hindi talaga pandesal iyon, basta tinapay ang kasama ng isda). Ang ikinamamangha ko ay ang walang dudang pagkakakilala ng mga disipulo kay Jesus sa pagkakataong iyon at ito na ang ikatlong pagpapakita ni Jesus mula nang siya ay muling nabuhay. Pero bago nila nakaharap uli si Jesus ay nagdesisyon talaga silang bumalik sa hanapbuhay na pangingisda dahil sigurado na silang hindi na makikitang muli si Jesus (at desperado nga sila sa pagkamatay ng Panginoon). Kapansin-pansin na tuwing kakain ang mga disipulo sa tabi ni Jesus, agad nilang nakikilala ang Panginoon. Ito rin kasi ang nangyari sa dalawang disipoulo na nakasabay ni Jesus sa paglalakad pauwing Emaus mula sa Jerusalem. Kahit pa magkasama silang nagkukuwentuhan habang naglalakad ng higit 10 kilometro, subalit sa haba ng kanilang paglalakbay ay hindi nila nakilala si Jesus. Nabuksan lang ang kanilang mga mata nang hatiin ni Jesus ang tinapay na kanilang pinagsasaluhan (tulad ng sa Misa na nabubuksan din ang ating mga mata sa presensiya ng Panginoon sa Eukaristiya) at saka lamang nila nakilala si Jesus.

Hindi ba't nakilala rin natin nang husto ang kadakilaan ng Panginoong Jesus nang magmilagro Siya sa pagpaparami ng tinapay at isda upang ipakain sa limang libong tao? Mula lamang sa limang tinapay at dalawang isda iyon, pero para sa hindi naniniwala sa milagro, ang suspetsa ay milagro rin mula sa mga taop dahil parang nagkaroon ng community pantry, kaya't sumobra pa nga ang pagkain. E, 'yung milagrong nangyari sa dinaluhan nina Mama Mary na kasalan sa Cana? Ang sarap talaga ka-bonding ni Lord, laging food trip. Hindi ba't ang sayang kasama ng Panginoon Jesus dahil nakikita natin Siya nang lubos mula sa maraming biyaya sa ating hapag kainan? Bukod sa pagkain ng ating katawan, binibigyan din tayo ng ating Panginoon ng mga ispirituwal na pampalusog. Kaya't ang highlight ng Ebanghelyo ay ang pagtatalaga o pagsusugo sa atin bilang mga disipulo upang tayo naman ang magpakain sa ibang tao. Kaya hindi lang puro pagkain pampalusog ng katawan ang bonding natin kay Jesus, may trabaho rin tayo. Binibigyan tayong lahat ng misyon bilang manggagawa sa kaharian ng Diyod sa lupa. Tamang-tama ang Ebanghelyo ngayong Mayo 1 dahil ipagdiriwang din natin ang araw ng mga Manggagawa; binibigyang halaga natin ang inaatang ni Jesus na trabaho bilang disipulo Niya sa pagkakaroon ng responsibilidad na tulungan natin ang ating kapwa bilang manggagawang Kristiyano.

Alam natin na marami sa ating mga manggagawang kababayan ang humarap sa napakaraming pagsubok sa panahon ng pandemya. Nadama ko nang husto ang paghihirap ng mga manggagawa nang malaman ang samutsaring kalagayan ng mga estudiyante kong tumutulong sa hanapbuhay para makaraos sa panahong ito. Marami sa mga working student ang nakakaranas ng matinding pagtitiyaga sa kalsada bilang mga delivery rider habang isinasabay ang online class. Ang iba nama'y nag-online selling, nag-vlog, nag-virtual assistant, nagtinda-tinda kahit sa harap lang ng kanilang bahay dahil sa kawalan ng hanapbuhay dulot ng pandemya. Biruin mo, nagtitiyaga sa online class habang nagtatrabaho pagkatapos ay may pagkakataon na nahawa rin sila ng COVID, ang iba't buong pamilya pa ang nahawaan. Noong kasagsagan ng COVID sa unang taon nito sa ating bansa, may working student ako na nahawa ng COVID at gumaling naman pero pagkaraan ng ilang buwan ay nasunugan naman sila ng bahay. Pansamantala silang tumuloy sa barangay hall kasama ng iba pang nasunugan. Ang mas masaklap ay nahawa uli siya ng COVID sa ikalawang pagkakataon dahil siksikan sila sa barangay hall at nakakalimutan na ang social distancing. Nalaman ko ang buong kuwento niya dahil hindi naman siya lumiliban sa online class. Ang sabi ko sa kanya'y asikasuhin niya muna ang kalagayan ng kanyang kalususgan at ang kanyang pamilya dahil may academic ease namang pinaiiral ang unibersidad upang makapasa ang mga estudiyante sa ganoong kalagayan. Bumilib ako sa kanyang pananampalataya at pananaw sa buhay dahil sabi niya sa akin ay: "lagi namang nandiyan sa ating tabi ang Panginoon, kaya tinatanggap ko naman ang hamon ng buhay sa amin, alam ko ser na may ibinibigay na misyon sa atin ang Panginoong Jesus, ang grasya Niya ang magpapatatag sa atin." Pagkatapos muling gumaling, nagpatuloy siya sa hanapbuhay at sa kanyang katatagan ay naging mabuting halimbawa ng mga manggagawa habang itinuloy ang pag-aaral, nakapagsumite naman siya ng lahat ng kahingian ng kurso (hindi late sa kanyang mga submission), at mula noon ay parte na siya ng aking mga kuwentong pandemya sa klase.

Prayer (Panalangin)

Panginoong Jesus, buksan mo ang aming mga mata upang makita Ka sa pamamagitan ng paghahati ng tinapay na Iyong katawan sa bawat Misa na aming dinadaluhan. Ipaunawa Mo at ibuhos ang biyaya sa amin para sa ibinibigay Mong misyon upang magampanan namin nang tapat ang pagiging disipulo Mo. Amen.


No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP