Powered by Blogger.

Thursday, 5 May 2022

Tinig ng Mabuting Pastol

  

 Fourth Sunday of Easter

(Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay)

08 May 2022 

 
First Reading (Unang Pagbasa): ACTS (Gawa) 13:14, 43-52
Responsorial Psalm (Salmong Tugunan): PS (Slm) 100:1-2, 3, 5
Second Reading (Ikalawang Pagbasa): REV (Pag) 7:9, 14b-17
Gospel (Ebanghelyo): JN 10:27-30
 
Reflection (Repleksyon)
By (Ni): Renato C. Vibiesca
 
Sa pagninilay natin sa Ebanghelyo ngayon, malinaw ang pakahulugan na mahalagang napakikinggan nating lagi ang boses o tinig ng Diyos tulad ng mga tupa na alam na alam nila ang tinig ng kanilang mabuting pastol. Sa pamumuhay natin, paano nga ba natin napakikinggan ang tinig ng Diyos? Kung Siya ay tumatawag, ano ang sinasabi Niya?

Kadalasan, sa pagdalo sa banal na Misa sa simbahan o tuwing nananalangin tayo ay iniisip natin na napakikinggan natin ang salita ng Diyos. Siyempre, hindi naman direktang naririnig ng ating mga tainga ang boses ng Diyos; kadalasan ay sa pamamagitan ng pakikinig ng Ebanghelyo sa Biblia o sa sermon ng Pari sa Misa o sa magandang inspirasyon o munting tinig sa ating isip sa tuwing nagninilay tayo habang nagdarasal. Pero tulad ng mga tupa sa kanilang mabuting pastol, alerto tayo kapag naririnig na ang boses ng Diyos sa iba pang bahagi ng ating pamumuhay. Halimbawa'y nakakakita tayo ng ating kapwa na higit na nangangailangan, malinaw na napakikinggan natin ang tinig ng Diyos na dapat tayong tumulong. Ito 'yung mga pagkakataong madadama mo ang awa, mararamdaman mo ang sidhi ng pagmamalasakit sa kapwa, napakalakas na tinig ito ng ating mabuting pastol kung kaya't tumatalima tayo agad sa gusto niyang ipagawa. Hindi ba't kung minsa'y kahit walang-wala ka na sa buhay pero kung may nakita kang mayroong higit na nangangailangan ng iyong tulong, halimbawa'y ang kamag-anak mo o kapitbahay mo na nagugutom dahil walang kinita sa isang araw, mas pinipili mo pa ring tumulong sa abot ng iyong makakaya. Ang munting sakripisyo natin para sa kapwang higit na nangangailangan ay nakikita ng ating mabuting pastol. Sinasabing kilalang-kilala ng mabuting pastol ang kanyang bawat tupa at lagi silang sumusunod dito.

May mga pagkakataon naman na ang tinig ng mabuting pastol ay tinutulungan tayo na magpasya nang tama. Napapansin n'yo ba ang parang may bumubulong sa ating kalooban kapag nahaharap sa isang pambihirang sitwasyon na dapat magdesisyon? Tila napipigilan tayo sa tiyak na kapahamakan sa tuwing ating napakikinggan ang tinig ng Diyos na nagpapahiwatig sa ating konsensiya. Isang halimbawa ang pagkakaroon ng tamang desisyon kaysa magpadala sa pagkakataon na makapanlamang sa iyong kapwa o tahasang magnakaw ng hindi sa iyo o manlinlang ng maliliit na tao. Ito 'yung pakikinig sa munting tinig ng Diyos na dinadala ka sa paggawa ng higit na kabutihan. Tulad bukas, araw ng pambansang eleksyon, higit na dapat nating pakinggan ang tinig ng Diyos upang maging tama ang ating desisyon sa pagpili ng mga bagong mamumuno sa ating bansa.

Dahil nga lantad sa Diyos ang bawat detalye o kaliit-liitan mang pangyayari sa ating buhay, na wala tayong maikukubli sa mabuting pastol, minamarapat nating lagi tayong sumusunod sa Kanya. Bakit lagi nating sinusundan ang Diyos? Dahil Siya lang ang makapagbibigay ng walang hanggang buhay na hindi kailanman makukuha pa sa atin. Kung ikukumpara sa kalagayan ng ating bayan, kadalasan ay nalilinlang tayo ng mga mabubulaklak na pananalita ng mga kandidato na nagsasabi kuno ng pag-asa pero napapahamak naman tayo kalaunan kung sila ay nakaluklok sa puwesto. Sa Ebanghelyo ay binibigyan tayo ng pag-asa ng kasiguraduhan na hindi tayo mapapahamak o maliligaw ng landas kung hawak ng Diyos ang ating mga kamay. Ang mismong Diyos Ama rin ay nagbibigay ng kasiguraduhan para sa atin, dahil higit na dakila ang Diyos Ama sa anumang bagay sa mundo. At sa huli ng Ebanghelyo ay pinatutunayan na ang ating Panginooon Jesus at ang Diyos Ama ay iisa. Kaya't kapit lang tayo lagi sa ating Panginoong Jesus, sa ating Diyos Ama.

Prayer (Panalangin)

Panginoon Jesus, lubos ang pasasalamant namin sa pagkilala at pagkalinga Mo sa amin bilang Iyong mga tupa at ganoon din sa pagkakataong sumunod sa Iyo bilang aming Mabuting Pastol. Hayaan mong umapaw ang biyaya sa aming kalooban upang madinig naming lagi ang Iyong tinig sa anumang landasin ng aming buhay. Amen.



No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP