Powered by Blogger.

Thursday, 12 May 2022

Chill. Love. Be Happy

  

 Fifth Sunday of Easter

(Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay)

15 May 2022 

 
First Reading (Unang Pagbasa): ACTS (Gawa) 14:21-27
Responsorial Psalm (Salmong Tugunan): PS (Slm) 145:8-9, 10-11, 12-13
Second Reading (Ikalawang Pagbasa): REV (Pag) 21:1-5a
Gospel (Ebanghelyo): JN 13:31-33a, 34-35
 
Reflection (Repleksyon)
By (Ni): Renato C. Vibiesca
 
Karamihan sa ating mga kababayan ay nabalisa (naguguluhan, nag-aalala, naliligalig) nitong mga nakaraang araw dahil sa resulta ng halalan sa ating bansa. Ang iba pa ay hindi pa rin kalmado hanggang ngayon, hindi pa nga nakaka-move on. Sa gitna ng lahat ng kaguluhang ito, ang biyaya ng ating Panginoon ay ibinibigay sa atin ngayon sa Ebanghelyo upang maibsan ang ating mga alalahanin sa buhay sa panahong natataranta na tayo sa sitwasyon ng ating bayan. "Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo'y mag-ibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko."

Sa tingin ng iba ay napakabigat ng kautusang ito.  Totoong malaking biyaya ito para sa ating lahat pero hindi ito simple, hindi ito madaling gawin, hindi ito pagpapa-cute lang at kaya na natin agad ibigin ang ating kapwa. Hindi ba’t numero uno nating problema ay kung papaano iibigin ang ating mga kaaway? Papaano mo iibigin ang kapwa mong patuloy kang pinagnanakawan? Papaano mo iibigin ang taong patuloy kang niloloko? Papaano mo iibigin ang kapwa mo kung hindi niya inaako ang kanyang kasalanan, hindi humihingi ng tawad, at walang pahiwatig ng sinseridad ng pagsisisi sa nagawang kasalanan sa iyo?  Siguradong gigil na gigil ka sa taong ito tuwing makikita siya. Ang tendensiya pa ay gusto nating maghiganti sa mga taong nangwalanghiya sa atin. Ang hirap, di ba?

Siyempre ipinagdarasal nating lagi na magkaroon tayo ng kapayapaan ng kalooban at puso kung may mga tao sa buhay natin na napakahirap mahalin. Madalas nga nating nababanggit na ipinagpapasa-Diyos na lang natin sila. Kaya chill lang tayo dapat. Bukod sa pananalangin, huwag tayong mag-alala dapat dahil nasa biblia rin ang mga paliwanag kung papaano natin maisasakatuparan ang kautusang ito, tingnan natin ang lumang salin sa 1 Mga Taga-Corinto 13:4: “Ang pag-ibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pag-ibig ay hindi nananaghili; ang pag-ibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.” Pasintabi sa Gen Z at baka dumugo mga ilong nila sa lalim ng mga salita. Sa madaling salita sa ating panahon, ang pag-ibig ay hindi nega, hindi laging cancel, hindi laging kumokontra, hindi nakikipag-away, nakikinig mabuti upang makapagbigay ng pahintulot o pagsang-ayon sa kabutihan (ito ang ibig sabihin ng mapagpahinuhod), sa ibang salin ay “ang pag-ibig ay matiyaga” at laging nakatuon sa ikabubuti at kapayapaan (kaya magandang-loob ang pag-ibig); samantalang ang “hindi nananaghili” naman ay hindi mainggitin (imposible kasing mahalin mo ang kapwa mo kung laging naiinggit ka sa kung anuman ang mayroon siya at wala ka, samantalang hindi mo nakikita ang nasa sa iyo na pero wala naman sa iba); ang “hindi nagmamapuri” ay hindi mayabang o mapagmataas, mapagpakumbaba o laging pagpapakumbaba ang inaasal ng nagmamahal sa gitna ng tamang katuwiran. Ang linaw at ang ganda talaga ng mga paliwanag na ito ukol sa katangian ng pag-ibig bilang gabay natin na itinutuloy hanggang bersikulo 7.

Sa pagninilay ko sa ating Ebanghelyo, ipinapahiwatig lagi sa atin na ang pag-ibig ay kahinahunan, maghanap ng oras at espasyo upang huminga nang malalim, upang maging payapa o kalmado, ika nga ay magkaroon ng peace of mind.  Ito kasi ang ibinibigay sa atin ng ating Panginoong Jesus, ang tunay na kapayaan ng puso, ang tunay na pag-ibig, ang biyaya ng kanyang puso, at saka pa lamang natin nadadama ang tunay na kaligayahan.

Prayer (Panalangin)

Panginoon Jesus, ibuhos Mo sa amin ang kakayahang maging mahinahon sa lahat ng pagkakataon upang maipadama naming sa aming kapwa ang tunay na pag-ibig na Iyong ibinibigay sa amin. Papag-alabin Mong lagi ang apoy ng pag-ibig namin sa Iyo upang maipasa namin sa aming kapwa ang sigasig ng Iyong pag-ibig sa pamamagitan ng kongkretong pagtulong sa lahat ng higit na nangangailangan. Amen.


No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP