Sixth Sunday of Easter
(Ika-anim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay)
22 May 2022
First Reading (Unang Pagbasa): ACTS (Gawa) 15:1-2, 22-29
Responsorial Psalm (Salmong Tugunan): PS (Slm) 67:2-3, 5, 6, 8
Second Reading (Ikalawang Pagbasa): REV (Pag) 21:10-14, 22-23
Gospel (Ebanghelyo): JN 14:23-29
Reflection (Repleksyon)
By (Ni): Renato C. Vibiesca
Maraming pagkakataon na nararamdaman nating parang walang direksiyon ang ating buhay. Hindi naiiwasan na kung minsa’y halos natataranta o nalilito na tayo sa mga nangyayari sa ating paligid. ‘Yung tipong akala mo’y ok na ang lahat pero hindi pa pala. Naguguluhan ka pa rin ba sa mga pangyayari sa buhay mo? Ang mga paalaala ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo ngayon ay tunay na napakayamang biyaya para sa ating lahat upang mapagtagumpayan natin ang mga pagsubok na ito. Ang pag-ibig natin sa Diyos ay biyaya ng pananampalataya at sa paalaala nga ni Jesus kung tayo’y mananatili sa pag-ibig natin sa Diyos, ang ating butihing Diyos Ama at ang ating Panginoong Jesus ay siguradong mananahang lagi sa atin. Sa katunayan, ang Banal na Espiritu ay patuloy na tuturuan tayo ng anumang bagay na naaayon sa kalooban ng Diyos at laging paaalalahanan tayo ukol sa mga itinuro sa atin ng Panginoong Jesus.
Walang duda na mahal na mahal nga tayo ng ating Panginoong Jesus dahil handog Niya ang kapanatagan ng damdamin - ang kapayapaan ng ating puso upang hindi tayo mangamba o matakot na humarap sa hamon ng buhay.
Noong dumapo ang pandemya sa ating bayan, nadama ko ang hindi maipaliwanag na takot at karamihan nga sa atin ay nakadama rin ng ganitong pagkabagabag; binalot tayo ng samu’tsaring pangamba sa buhay na nagbunga ng walang kapanatagan ng ating mga damdamin. Pero kumapit tayo sa pag-ibig ng ating Panginoong Jesus at napawi nga ang pagod sa ating puso. Ang ating katapatan, pananampalataya, at pag-ibig sa Diyos ay nagbunga agad ng malaking biyaya para sa lahat. Walang patid ang pagtuturo sa atin ng Banal na Espiritu kung ano ang marapat na ikikilos natin sa panahong nawawalan na tayo ng pag-asa, kaya unti-unti tayong sumigla at nagkalakas ng loob upang makabangon sa pagkakasadlak sa pandemya. Pero hindi pa man natatapos ang pandemya, naharap na naman tayo sa matinding pagsubok ukol sa pagpili ng mga mamumuno sa ating bayan. Nagdulot na naman ito ng panibagong matinding agam-agam para sa kinabukasan ng ating mga anak. Sa panahon ng eleksiyon ay nagkagulo-gulo tayo, nag-away-away ang magkakaibigan maging ang magkakamag-anak, halos mabura nga ang imahen ng pagiging Kristiyano natin dahil sa gigil sa isa’t isa. Akala mo’y matinding giyera ang batuhan ng masasamang bagay sa isa’t isa. Napakalungkot na nawala ang kahinahunan ng karaniwang Kristiyano sa ating mga sarili. Sa Ebanghelyo ngayon ay muling ipinaaalala sa atin, hindi niya tayo iniiwan at paulit-ulit, nangungulit na nga ang Panginoon Jesus sa atin: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Huwag kayong mabalisa; huwag kayong matakot.” Panghawakan nawa natin ang ating pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa upang manahimik ang ating mga puso sa kapayapaan ng ating Panginoong Jesus. Amen.
Prayer (Panalangin)
Panginoong Jesus, panalangin nami’y punuuin mo ng pag-ibig ang aming mga puso at kami’y puspusin ng Banal na Espiritu upang malaman namin kung papaano maipadarama sa aming kapwa ang iyong matimyas na pag-ibig. Manalig nawa kami sa kapayapaang handog Mo sa amin upang ito ang manguna sa aming buhay lalo na sa panahong nahaharap kami sa matinding pagsubok at tukso. Amen.
No comments:
Post a Comment
Tell us what you feel...