The Ascension of the Lord
(Ang Pag-akyat sa Langit ng Panginoon)
29 May 2022
First Reading (Unang Pagbasa): ACTS (Gawa) 1:1-11
Responsorial Psalm (Salmong Tugunan): PS (Slm) 47:2-3, 6-7, 8-9
Second Reading (Ikalawang Pagbasa): EPH (Efe) 1:17-23 or HEB (Heb) 9:24-28; 10:19-23
Gospel (Ebanghelyo): LK (Luc) 24:46-53
Reflection (Repleksyon)
By (Ni): Renato C. Vibiesca
“Taglay ang malaking kagalakan.” Ito ang nadama ng mga alagad matapos silang basbasan at pagpalain habang umaakyat sa langit ang Panginoong Jesus. Maraming pagkakataon na naririnig natin sa mga pangaral na mawawalan ng saysay ang lahat ng ating pananalig kay Jesus kung hindi Siya muling nabuhay at umakyat sa langit. Ang Ebanghelyo ng nakaraang mga Linggo hanggang sa ngayon ay patunay na totoo (hindi fake news) ang pagiging makapangyarihan ng Diyos na ating Panginoong Jesus. Bukod sa nabuo ang ating paniniwala sa simbahan, nagkaroon din ng tamang kahulugan ang mga sakripisyo ng pasyon ng pagkamatay ni Jesus nang Siya’y muling nabuhay at umakyat sa langit. Kaya nga nararapat na magtaglay tayo ng malaking kagalakan sa ating mga puso dahil totoo ang pagliligtas sa atin ni Jesus. Kaakibat kasi ng malaking kagalakan ang malaking pag-asa. Nabuo ang matibay na pag-asa ng ating paniniwala na balang-araw ay magkakaroon din tayo ng buhay na walang hanggan.
Ang malaking kagalakang ito na biyaya sa ating buhay ay isang paalaala rin na hindi ang mundong ito ang permanenteng tahanan natin. Ang lahat ng ating mga aktibidad sa mundong ito ay paghahanda lamang sa pagharap natin sa Diyos, paghahanda upang matamasa natin ang paghahari ng Diyos, ang malasap natin ang tunay na kaharian ng langit. Pero sa totoo lang, madalas na nabubulag tayo ng panlilinlang ng mundong ito. Kaydali nating makalimot sa pag-ibig ng Diyos kung nahaharap na sa mga pagsubok ng buhay.
Alam nating maraming klase ng tukso ang nag-uudyok sa atin upang magkasala sa Diyos at sa ating kapwa, pero napagninilayan ko na madalas na nahaharap sa malalaking pagsubok ang mga dapat ay lingkod ng bayan na nakapwesto sa mga ahensiya ng pamahalaan. Subalit, karamihan nga sa mga naghahanapbuhay na nasa gobyerno, lalo na ang mga may matataas na posisyon, ang kalimitang nakalilimot sa mga aral ng pagiging Kristiyano. Pinakamalala ang korapsiyon sa pamahalaan bilang isa sa pinakamalaking kasalanan ng mga nasa pwesto o kahit pa ng ilang maliliit na kawani. Isa rin akong empleyado ng gobyerno kaya’t madali kong nakikita ang mga butas na nagpapasingaw sa mga gawaing tiwali at hindi kaaya-aya sa mata ng Diyos. Kailangan lamang na manindigan tayo na binasbasan na tayo ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng biyaya ng Kanyang pag-ibig at binusog din tayo ng Kanyang mga aral. Malaki ang hamon sa ating mga Kristiyano na ipamalas ang kabutihan sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa sa kapwa empleyado. Para sa mga lingkod ng Diyos na nasa gobyerno, napakahirap ang maging tapat sa aral ng Diyos sa gitna ng mga naglalakihang tukso, lalo na kung may kinalaman sa pera, subalit ang grasya na rin ng Diyos ang tutulong sa atin upang manatiling tapat sa Diyos. Hindi tayo panghihinaan ng loob kung tatanggapin natin na hindi naman talaga natin kaya kung sa sariling kakayahan lamang natin iaasa ang paglaban sa tukso, bagkus ay lagi tayong sasandig sa tibay ng pag-ibig ng ating mahal na Panginoong Jesus. Kaya’t mananatili sa atin ang malaking kagalakan at pag-ibig ng Diyos kahit pa na maghirap tayo sa pakikipaglaban sa mga tukso ng mundong ito. Ang lubos na pasasalamat at papuri sa Diyos ang tanging sasambitin natin sa tuwing nagtatagumpay tayo sa mga maliliit at malalaking pagsubok, hanggang sa makaakyat din tayo sa langit upang makapiling ang Diyos magpasawalang-hanggan. Amen.
Prayer (Panalangin)
Panginoong Jesus, dalangin namin na patatagin mo ang aming pananampalataya sa Iyo upang matanggap din namin ang grasya ng malaking kagalakan sa aming buhay habang nakikipaglaban kami sa mga tukso ng mundong ito. Amen.
No comments:
Post a Comment
Tell us what you feel...