Powered by Blogger.

Saturday 27 July 2024

Seventeenth Sunday in Ordinary Time

    

Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon

28 Hulyo 2024

 
Unang Pagbasa: 2 Hari 4, 42-44
Salmong Tugunan: Salmo 144, 10-11. 15-16. 17-18
Ikalawang Pagbasa: Efeso 4, 1-6
Ebanghelyo: Juan 6, 1-15
 
Pagninilay
Ni: Renato C. Vibiesca

Kapag nahaharap tayo sa matinding pagsubok sa buhay o nawawalan na talaga ng pag-asa, madalas na kumakapit tayo Diyos upang humiling ng milagro o himala. Alam kasi nating hindi lahat ng bagay ay kayang lunasan o ipaliwanag ng kinikilalang batas na siyentipiko. Halimbawa ang problema natin sa pagkakasakit, na kahit na napakaingat natin sa kalusugan ng ating katawan ay dinadapuan pa rin tayo ng karamdaman na hindi kayang pagalingin ng mga duktor at gamot na nirereseta maging sa pinakamamahaling ospital pa ang puntahan.  Isa ito sa mga dahilan kung bakit sinusundan at dinudumog si Hesus ng mga tao: “…. sapagkat nakita nila ang mga kababalaghang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit.”

Kung tutuusin, tuloy-tuloy ang himala ni Hesus sa tuwing tayo’y nakikiisa sa Banal na Misa; sa pamamagitan ng paghahati-hati at pagtanggap ng Katawan ni Hesus sa Banal na Eukaristiya, patuloy din nating tinatanggap ang katangi-tanging grasya mula sa himalang ito. Ngunit hindi natatapos ang himala sa pagtanggap natin kay Hesus sa Eukaristiya at dahil nananatili ang biyaya ng Diyos sa atin, patuloy nating pinadadaloy ang himala sa pamumuhay natin pagkatapos ng Misa. Hindi ba’t kahanga-hanga ang himalang nangyayari ngayon sa ating bayan pagkatapos bayuhin ng matinding pagsubok dulot ng pagbaha? Pagkaraan ng isa’t kalahating dekada ay naulit ang mala-Ondoy na delubyo ng pagbaha at maraming hikahos sa buhay ang nangailangan ng tulong upang maisalba ang buhay. Kaliwa’t kanan sa ngayon ang nagnanais na tumulong sa mga nasalanta, maging ang walang-wala ay gusto ring mag-ambag ng kanilang munting makakaya upang makaagapay sa higit na nangangailangan. Hindi natin alintana ang hirap na pinagdaraanan dahil nakatuon tayo sa pagtulong sa ating kapwa upang makaahon muli, bayanihan ika nga ang pinaiiral.

Hangga’t patuloy ang pagtanggap natin ng biyaya mula sa himala ng Eukaristiya sa Banal na Misa, nag-uumapaw rin ang himala ng pagbabahagi natin sa ating kapwa na naghihintay sa ating awa at tulong.

Panalangin:

Panginoong Hesus, salamat po sa patuloy na pagdaloy ng Iyong biyaya sa pamamagitan ng pagtanggap namin sa Iyo sa Banal na Eukaristiya. Itulot Mo Hesus ang pagpapadaloy din namin ng biyayang ito sa aming kapwa na nangangailangan din ng himala mula sa Iyong kabutihan. Amen.


No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP