Powered by Blogger.

Saturday, 29 November 2025

Maging Handa

Unang Linggo ng Adbiyento

Nobyembre 30, 2025

 
Unang Pagbasa: Isaias 2:1-5
Salmong Tugunan: Salmo 122:1-2, 3-4, 4-5, 6-7, 8-9
Ikalawang Pagbasa: Roma 13:11-14
Mabuting Balita: Mateo 24:37-44
 
Pagninilay
Ni: Renato C. Vibiesca
 
Marami sa atin, ‘pag tumatanda na, laging mas maaga nagigising. Siguro’y mas gusto kasi nating mas maaga matulog na para bagang may pinaghahandaan tayo pagsapit ng kinabukasan. Napansin ko rin na marami sa ating matatanda na gumigising nang maaga para pumunta sa simbahan na karaniwan ay mga lingkod ng Diyos. Sila ang madalas na makita nating nagsisilbi sa Banal na Misa. Sa ibang bansa, halimbawa sa Singapore, maraming senior citizen ang gumigising din nang maaga, hindi para pumunta sa simbahan, kundi para maghanapbuhay pa, ito’y ayon sa kanilang kultura na kahit matanda na ay pinapayagan pa ring maging empleyado. Sa ating kultura, madalas na sinasabing kapag matanda na ay umiikli na ang panahon para mabuhay at kinakailangan nang magbalik-loob at magbayad puri sa mga kasalanan sa pamamagitan ng paglilingkod sa simbahan. Subalit marami ring kabataan sa atin na maagang nasumpungan ang tawag ng Panginoon kaya’t mabuting maaga pa’y naglilingkod na sila. Bata o matanda, tayong lahat ay laging inaanyayahan ng Diyos na maglingkod upang mapaghandaan natin ang pakikipagkita sa ating Panginoong Hesus. Ang paghahanda ay hindi lamang pag-aabang sa darating o pag-iisip at pag-aayos ng mga bagay na kailangan para sa paparating pa lang.

Papaano gagawin ang paghahanda? Ito ay sa pamamagitan ng pagyakap sa kung ano ang mayroon na tayo na grasya ng Diyos sa atin upang tayo’y tulungan sa paghahanda. Halimbawa’y ang pagkikipag-usap at paghingi ng tulong sa mga guardian angels natin; ang pagtanggap at paggabay sa atin ng Banal na Espiritu at ang pagsasalo natin kay Hesus sa Banal na Misa; ang pagpapatawad ni Hesus sa atin sa tuwing tayo’y nangungumpisal sa pari; ang pagtulong natin sa kapwa sa panahong higit na kailangan nila tayo (pagsasabuhay ng beatitudes); at ang pagpapakita ng pagmamahal sa ating pamilya ay paraan din kung papaano laging nasa gitna ng ating buhay si Hesus. Kaya nga ang paghihintay at paghahanda ay hindi naman talaga kawalan ng pananampalataya o literal na naghihintay tayo sa wala pa, sapagkat hindi tayo iniiwan ng Diyos sa lahat ng panahon. Kaya’t hilingin natin ang biyaya ng Diyos na tanggalin ang anumang takot sa ating paghahanda o gawing kalakasan natin sa pananampalataya ang takot na ito dahil hindi nga natin alam ang oras o araw na tayo’y haharap sa ating Panginoong Hesus. Amen.
 
Panalangin


Mahal naming Diyos Ama, lubos ang pasasalamat namin sa Iyo sa pagpapadala ng Banal na Espiritu upang dumaloy ang maraming biyaya sa aming paghahanda at hinihiling namin na manatili ang pagpapadaloy ng Iyong grasya na magpapalapit lalo sa amin sa aming Panginoon Hesus. Amen.


No comments:

Post a Comment

Tell us what you feel...

Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP