Powered by Blogger.
Showing posts with label Hesus. Show all posts
Showing posts with label Hesus. Show all posts

Saturday, 29 November 2025

Maging Handa

Unang Linggo ng Adbiyento

Nobyembre 30, 2025

 
Unang Pagbasa: Isaias 2:1-5
Salmong Tugunan: Salmo 122:1-2, 3-4, 4-5, 6-7, 8-9
Ikalawang Pagbasa: Roma 13:11-14
Mabuting Balita: Mateo 24:37-44
 
Pagninilay
Ni: Renato C. Vibiesca
 
Marami sa atin, ‘pag tumatanda na, laging mas maaga nagigising. Siguro’y mas gusto kasi nating mas maaga matulog na para bagang may pinaghahandaan tayo pagsapit ng kinabukasan. Napansin ko rin na marami sa ating matatanda na gumigising nang maaga para pumunta sa simbahan na karaniwan ay mga lingkod ng Diyos. Sila ang madalas na makita nating nagsisilbi sa Banal na Misa. Sa ibang bansa, halimbawa sa Singapore, maraming senior citizen ang gumigising din nang maaga, hindi para pumunta sa simbahan, kundi para maghanapbuhay pa, ito’y ayon sa kanilang kultura na kahit matanda na ay pinapayagan pa ring maging empleyado. Sa ating kultura, madalas na sinasabing kapag matanda na ay umiikli na ang panahon para mabuhay at kinakailangan nang magbalik-loob at magbayad puri sa mga kasalanan sa pamamagitan ng paglilingkod sa simbahan. Subalit marami ring kabataan sa atin na maagang nasumpungan ang tawag ng Panginoon kaya’t mabuting maaga pa’y naglilingkod na sila. Bata o matanda, tayong lahat ay laging inaanyayahan ng Diyos na maglingkod upang mapaghandaan natin ang pakikipagkita sa ating Panginoong Hesus. Ang paghahanda ay hindi lamang pag-aabang sa darating o pag-iisip at pag-aayos ng mga bagay na kailangan para sa paparating pa lang.

Papaano gagawin ang paghahanda? Ito ay sa pamamagitan ng pagyakap sa kung ano ang mayroon na tayo na grasya ng Diyos sa atin upang tayo’y tulungan sa paghahanda. Halimbawa’y ang pagkikipag-usap at paghingi ng tulong sa mga guardian angels natin; ang pagtanggap at paggabay sa atin ng Banal na Espiritu at ang pagsasalo natin kay Hesus sa Banal na Misa; ang pagpapatawad ni Hesus sa atin sa tuwing tayo’y nangungumpisal sa pari; ang pagtulong natin sa kapwa sa panahong higit na kailangan nila tayo (pagsasabuhay ng beatitudes); at ang pagpapakita ng pagmamahal sa ating pamilya ay paraan din kung papaano laging nasa gitna ng ating buhay si Hesus. Kaya nga ang paghihintay at paghahanda ay hindi naman talaga kawalan ng pananampalataya o literal na naghihintay tayo sa wala pa, sapagkat hindi tayo iniiwan ng Diyos sa lahat ng panahon. Kaya’t hilingin natin ang biyaya ng Diyos na tanggalin ang anumang takot sa ating paghahanda o gawing kalakasan natin sa pananampalataya ang takot na ito dahil hindi nga natin alam ang oras o araw na tayo’y haharap sa ating Panginoong Hesus. Amen.
 
Panalangin


Mahal naming Diyos Ama, lubos ang pasasalamat namin sa Iyo sa pagpapadala ng Banal na Espiritu upang dumaloy ang maraming biyaya sa aming paghahanda at hinihiling namin na manatili ang pagpapadaloy ng Iyong grasya na magpapalapit lalo sa amin sa aming Panginoon Hesus. Amen.


Saturday, 20 April 2024

Mabuting Pastol: Dakila't Huwaran

    

Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / Linggo ng Mabuting Pastol

21 Abril 2024

 
Unang Pagbasa: Gawa 4:8-12
Salmong Tugunan: Ps 118:1, 8-9, 21-23, 26, 28, 29
Ikalawang Pagbasa: 1 Jn 3:1-2
Mabuting Balita: Jn 10:11-18
 
Pagninilay
Ni: Bro. Emerson C. Maala

Katarungan, kababaan, payak na pamumuhay. Ito ang mga katangian na nais ituro ng seminaryo ng Tahanan ng Mabuting Pastol sa aming nga hinuhubog sa pagpapari. Laging paalala ng tagapagtatag nito na si Bihop Felix Perez sa mga seminarista, “Be like a Mabuting Pastol.” At sa aking patuloy na paglalakbay sa probinsiya ng Palawan, ipinakita sa amin ng aming paring tagapatnubay, na isa ring Ka-tahanan, ang halimbawa ng Mabuting Pastol. Ipinamalas niya kung papaano mamuhay nang may katarungan, kababaan at kapayakan. Ngayon lang din ako halos nakakita ng paring simple lang. Natutulog sa papag ng walang kutson, kasa-kasama namin sa pag-iigib ng tubig, paglilinis at iba pang gawain.

Ngayong ika-apat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay ay ipinagdiriwang natin ang Linggo ng Mabuting Pastol o ang Good Shepherd Sunday at World Day of Prayer for Vocation. Sa Mabuting Balita, sinabi  ni Hesus na Siya ang Mabuting Pastol, handang mag-alay ng buhay alang-alang sa kapakanan ng kanyang kawan. 

Sa aking pagninilay, ipinapakita sa akin ng Diyos ang tunay na kahulugan kung ano ang isang Pari, ang maging katulad ng Mabuting Pastol: may Katarungan, Kababaan at Payak na pamumuhay. At dito sa probinsiya ng Palawan ay ipinakita sa akin ang tunay na pagiging Pastol sa kawan. Malaki din ang nabago sa aking perspektibo kung papaano maging isang tunay na lingkod ng Diyos. Noon, akala ko, ang pari ay para lamang sa mga sakramento: magmimisa, magpapahid ng langis, magkakasal, atbp. Ngayon, ang tunay na kahulugan nito para sa akin ay pagmimisyon at paglabas ng simbahan patungo sa pinakamahirap na lugar at makipamuhay din sa kanila, katulad ng Mabuting Pastol. Gayundin ang hamon nito sa lahat, ang maging Mabuting Pastol bilang magulang sa mga anak, mga naglilingkod sa gobyerno, sa ating mga kaibigan, at higit sa lahat, bilang mga Kristiyano na sumusunod kay Kristo.

Panalangin

PANALANGIN PARA SA BOKASYON mula kay Papa Francisco

Panginoon ng anihan, pagkalooban Mo ng lakas ng loob ang mga kabataan na tumugon sa Iyong panawagan. Buksan Mo ang kanilang mga puso sa mga dakilang kaisipan at bagay. Kasihan ang lahat ng Iyong mga alagad ng magkaayong pag-ibig at pagbibigay sapagkat ang Bokasyon ay sumisibol sa mabuting lupa ng mga tapat na tao. Isalin Mo sa mga nasa relihiyosong pamumuhay, parokya, ministry at pamilya nang may pagtitiwala at biyaya ng maghihikayat ng iba upang yakapin ang malakas at marangal na landas ng nakatalagang buhay para sa Iyo. Pagbuklurin Mo kami kay Hesus sa pamamagitan ng panalangin at sakramento, upang magawa naming makipagtulungan sa Iyo sa pagtataguyod ng paghahari ng Iyong awa, katotohanan at karunungan.

Sunday, 14 April 2024

Pinupuno Tayo ni Hesus

    

Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

14 Abril 2024

 
Unang Pagbasa: Gawa 3:13-15, 17-19
Salmong Tugunan: Ps 4:2, 4, 7-8, 9
Ikalawang Pagbasa: 1 Jn 2:1-5a
Mabuting Balita: Lc 24:25-48
 
Pagninilay
Ni: Bro. Emerson C. Maala

Sa aking patuloy na paglalakbay sa probinsya ng Palawan, nakilala ko si Tatay Teofisto. Isang lider laiko sa kanilang kapilya. Masayang ibinahagi sa akin ni tatay Teofisto ang kanyang karanasan kung papaanong siya ay naging isang lingkod ni Kristo. Siya ay isang dating lasenggo at malayo ang loob sa kanyang pamilya. Nagbago raw ang kanyang buhay nang makilala niya si Hesus. Isang araw daw ay isinama siya ng isang kaibigan sa isang Parish Based Orientation Seminar (PBOS) at doon ay naengganyo hanggang sa maging isang laiko ministro at lider laiko ng kanilang kapilya. Tuwing umaga, siya ay masigasig na pupunta sa kapilya upang magdasal ng santo rosaryo bago pumunta sa bukid. Pagbabahagi niya, "Brad, simula nang makilala ko si Hesus, pakiramdam ko pa rin na marami akong naging pagkukulang, pagkukulang sa Kanya at sa aking Pamilya. Kaya araw-araw din akong nagrorosaryo dahil nararamdaman ko na Siya din ang patuloy na nagpupuno at yumayakap sa akin."

Sa mabuting balita, ipinakita ni Hesus ang patuloy na pagpupuno at pagyakap Niya sa mga apostol sa kabila ng kanyang dinanas na pagpapakasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay. Bagamat nawala ang mga apostol sa mga huling sandali ni Hesus dahil na rin sa takot, na kahit si San Pedro na unang nagsabi na hindi niya iiwan ang Panginoon ngunit kanyang itinatwa nang maka-ikatlong ulit, hindi ito naging dahilan para na magpakita sa kanila si Hesus at sila'y patuloy na mahalin. Ang pagpapakita sa kanila ni Hesus ay tanda ng patuloy na pagpupuno at pagyakap ni Hesus sa kabila ng mga naging kakulangan ng mga alagad.

Dahil pa rin sa matinding takot, hindi nauunawaan ng mga Apostol ang mga pangyayaring ito. Nagugulumihanan, nalilito, at hindi alam kung anong nangyayari. Ngunit nang makipag-usap na sa kanila si Hesus, naintindihan nila ang lahat ng bagay, "Kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw." 

Panalangin

Sa ating buhay, marami na rin tayong naging pagkukulang: nagkulang tayo bilang mga Anak, bilang mga magulang, bilang mga Kristiyano, o kaya naman ay bilang mga tao. Maaaring ang ilan sa atin ay bumalik sa mga dating gawain ng kasakiman, panlalamang, at panlilinlang.

Kaya patuloy rin tayong pinapaalalahanan nina San Pablo at San Juan na "magsisi at magbalik-loob sa Diyos upang pawiin Niya ang ating mga kasalanan.” Dahil sa kabila ng ating mga pagkukulang, pinupuno at niyayakap pa rin tayo ni Hesus bilang kanya. Amen.

Friday, 23 November 2012

Kakaibang Hari

Solemnity of Christ the King
November 25, 2012
First Reading: Dn 7:13-14

As the visions during the night continued, I saw one like a Son of man coming, on the clouds of heaven; when he reached the Ancient One and was presented before him, the one like a Son of man received dominion, glory, and kingship; all peoples, nations, and languages serve him. His dominion is an everlasting dominion that shall not be taken away, his kingship shall not be destroyed.
Responsorial Psalm: Ps 93:1, 1-2, 5

Second Reading: Rv 1:5-8

Jesus Christ is the faithful witness, the firstborn of the dead and ruler of the kings of the earth. To him who loves us and has freed us from our sins by his blood, who has made us into a kingdom, priests for his God and Father, to him be glory and power forever and ever. Amen.
Behold, he is coming amid the clouds, and every eye will see him, even those who pierced him. All the peoples of the earth will lament him. Yes. Amen. "I am the Alpha and the Omega, " says the Lord God, "the one who is and who was and who is to come, the almighty."

Gospel: Jn 18:33b-37

Pilate said to Jesus, "Are you the King of the Jews?" Jesus answered, "Do you say this on your own or have others told you about me?" Pilate answered, "I am not a Jew, am I? Your own nation and the chief priests handed you over to me. What have you done?" Jesus answered, "My kingdom does not belong to this world. If my kingdom did belong to this world, my attendants would be fighting to keep me from being handed over to the Jews. But as it is, my kingdom is not here." So Pilate said to him, "Then you are a king?" Jesus answered, "You say I am a king. For this I was born and for this I came into the world, to testify to the truth. Everyone who belongs to the truth listens to my voice."


Reflection
By Patty Dela Rosa

Kapag tayo ang nakarinig ng salitang "hari" ang unang pumapasok sa ating isip ay isang taong makapangyarihan. Isang taong maimpluwensiya at mayaman. Siya ay may kaharian at mga pamayanang nasasakupan. Pinagsisilbihan siya ng kanyang mga tagapaglingkod at may mga kawal na nagbabantay at handa siyang ipagtanggol anumang oras. Ang isang hari ay may magarang kasuotan. May korona at setrong gawa sa ginto at mamahaling bato. Nakikisalamuha siya sa mga maharlikang tao. Bawat batas na ipinatutupad niya ay may kaakibat na kamatayan sa sinumang susuway dito. Kapag ang hari ay isang mabuting hari, siya ay minamahal ng karamihan subalit kapag naman masama ang kanyang pag-uugali, siya ay iniilagan at kinatatakutan. Ganito inilalarawan ang mga hari sa isang fairy tale.

Si Hesus bilang anak ng Diyos, ay isa ring hari. Subalit ang ipinakita Niyang paghahari ay salungat sa mga haring tulad ng mga nasa fairy tales. Si Hesus ay isang hari na mulat sa kahirapan ng buhay. Mula sa Kanyang pagsilang makikita na natin ang abang pamumuhay ng Kanyang mga magulang na sina Jose at Maria. Wala Siyang matatawag na palasyo.

Walang Siyang magagarang kasuotan. Wala Siyang mga tagapaglingkod at mga kawal na magtatanggol sa Kanya anumang oras. Nakikisalamuha Siya hindi sa mga taong maharlika o mayayaman kundi makikita mo Siya kung nasaan ang mga pulubi, may mga sakit o may mga karamdaman. Mas malimit si Hesus na nasa lansangan kumpara sa ibang hari na nasa palasyo lamang. Si Hesus ay isang hari subalit taliwas sa buhay ng isang haring nabubuhay sa kasaganaan.


Literal nating masasabi na hindi natin maaninag ang katangian ng isang hari kay Hesus ayon pananaw ng mga tao noong Kanyang kapanahunan dahil na rin sa estado ng Kanyang pamumuhay. Bagamat nakagawa Siya ng maraming milgaro, hindi sapat ang mga ito para kilalanin Siyang hari. Kung kaya't bago Siya hinatulan ng kamatayan, Siya ay tinuya at nilapastangan ng mga tao. Ikinahiya at itinuring na kriminal. Nakakalungkot isipin na hindi nila lubos na kilala kung sino ang kanilang inapi.

Si Hesus ay walang korona at setrong gawa sa ginto at mamahaling bato, bagkus koronang tinik at tambo ang ibinigay sa Kanya.  Isang malaking kalapastanganang ginawa ng mga kawal kay Hesus  na may halong pangungutya. At matapos Siyang ipako sa krus, nilagyan pa ng karatulang "INRI" ang Kanyang ulunang bahagi; mga salitang latin na ang kahulugan ay " Hesus Nasareno, Hari ng mga Hudyo."

Si Hesus na rin ang nagsabi...

"Ang kaharian ko'y hindi sa daigdig na ito. Kung sa daigdig na ito ang aking kaharian, ipinaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa daigdig na ito ang aking kaharian! 

"Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa daigdig, upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan. "

Ang paghaharing sinasabi ni Hesus ay ang pagsasakatuparan ng Kanyang misyon dito sa sanlibutan. Ibang paghahari ang nais iparating ng Diyos Ama sa ating lahat. At naiparating ito sa pamamagitan ni Hesus. Nais ng Diyos na sundin natin ang Kanyang mga ipinag-uutos. Nais ng Diyos Ama na maghari sa atin ang pag-ibig sa Kanya at sa ating kapwa.

Sa pamamagitan ni Hesus, naituro Niya sa atin kung paano tayo susunod sa mga ipinag-uutos ng Diyos. Sapagkat ang ninanais ng Diyos ay maghari ang kabutihan laban sa kasamaan. Ang pagpapakita ng kabutihan at malasakit sa kapwa, pagkakaisa, pagkakaroon ng pantay-pantay na karapatan, simpleng pamumuhay, paggalang sa ating kapwa at lahat ng nilalang may buhay man o wala, ang ninanais ng Diyos na gawin natin dito sa mundo.  Si Hesus, bagamat anak ng Diyos, ay nabuhay nang matuwid noong Siya ay nandito sa lupa. Nakisalamuha Siya at namuhay ng simple. Hindi Siya naghangad ng buhay na masagana dahil alam Niyang may misyon Siyang dapat gampanan para sa ating lahat.

Sa panahon ngayon, marami ang naghahari-harian sa mundo. Mga taong walang ibang hinangad kundi sila lang ang maging makapangyarihan. Ganid sa kayaman at kung maari lang bumili ng kaluluwa ginawa na nila. Mga taong busog na busog sa kayamanan pero sagad sa buto ang kasamaan. Ito ang negatibong pananaw ng paghahari. Nakakapangilabot hindi ba?

Si Hesus sa Kanyang pagiging hari ay nagbuwis ng Kanyang buhay upang iligtas tayo sa ang ating mga kasalanan. Ang pangyayaring ito ay nakatatak na sa isipan nga bawat mananamplatayang Kristiyano. Walang ibang ninais ang Diyos kung hindi ang mabuhay tayo ayon sa mga aral ni Hesus.

Kung ang lahat ng tao ay taos pusong  magnanais na maghari ang kapayapaan, pag-ibig at pagkakaisa sa mundo,  maiiwasan na ang iba't-ibang problema ng bawat bansa. Lahat magkakaroon ng pantay-pantay na karapatan anumang lahi o lipi, anumang kulay ng balat, mayaman man o mahirap. Wala ng kasakiman, wala ng mga gulo at pag-aawayan ang bawat bansa. Kung ang lahat ay mabibigyan ng kalayaan at pagkakataong makapaghanap-buhay, wala ng taong magugutom at maghihirap. Mabibigyan ng magandang edukasyon ang mga kabataan. Uunlad ang lahat ng bansa at bawat tao sa buong mundo. Ang buhay natin ay hindi fairy tale, bigyan natin ito ng reyalidad tulad ng ginawa ni Hesus noong Siya ay isinugo dito sa lupa. Binigyang katuparan Niya ang ninanais mangyari ng Diyos para sa ating lahat.

Ngayong ipinagdiriwang natin ang "KRISTONG HARI" bilang pag-alala sa kadakilaan ni Hesus... ang tunay na HARI,  idalangin natin na Siya ay maghari sa bawat puso ng lahat ng tao sa mundo.

Prayer

O Hesus, Kristong aming Hari, tunay ngang Ikaw ay dakila. Ikaw na tanging nagbuwis ng buhay upang iligtas kami sa aming mga kasalanan bilang pagtupad Mo sa Iyong tungkulin.

O Hesus, kami ay nagpapasalamat at sa Iyo ay lumalapit, maghari Ka nawa sa aming mga puso. Talikdan nawa naming ang lahat ng masama at paghariin namin ang pag-ibig sa mundo. Tulungan mo kaming ilapit ang aming sarili sa Iyo. Ikaw ang aming huwaran sa kabutihan at kababaang-loob. Gabayan Mo kami sa pang-araw-araw na buhay.

O Hesus, aming Diyos at taga-pagligtas, Ikaw ang tunay na Hari. Sa Iyo kami ay nagbibigay-pugay at nananalangin. Amen.

Saturday, 21 April 2012

" Matatakutin Ka Ba? "

Third Sunday of Easter
April 22, 2012
Image and video hosting by TinyPic
“ True repentance will lead us to salvation ” 

First Reading: Acts 3:13-15, 17-19

The God of Abraham and of Isaac and of Jacob, the God of our fathers, glorified his servant Jesus, whom you delivered up and denied in the presence of Pilate, when he had decided to release him. But you denied the Holy and Righteous One, and asked for a murderer to be granted to you, and killed the Author of life, whom God raised from the dead. To this we are witnesses. and killed the Author of life, whom God raised from the dead. To this we are witnesses. But what God foretold by the mouth of all the prophets, that his Christ should suffer, he thus fulfilled. Repent therefore, and turn again, that your sins may be blotted out, that times of refreshing may come from the presence of the Lord.

 Res. Psalm: Psalms: 4:2,4, 7-8,9

Second Reading: 1John 2:1-5

My children,  I am writing this to you so that you may not commit sin. But if anyone does sin, we have an Advocate with the Father, Jesus Christ the righteous one. He is expiation for our sins, and not for our sins only but for those of the whole world. The way we may be sure that we know him is to keep his commandments. Whoever says, "I know him," but does not keep his commandments is a liar, and the truth is not in him. whoever keeps his word, the love of God is truly perfected in him. This is the way we may know that we are in union with him:

Gospel: Luke 24:35-48

Then the two recounted what had taken place on the way and how he was made known to them in the breaking of the bread. While they were still speaking about this, he stood in their midst and said to them, "Peace be with you." But they were startled and terrified and thought that they were seeing a ghost. Then he said to them, "Why are you troubled? And why do questions arise in your hearts? Look at my hands and my feet, that it is I myself. Touch me and see, because a ghost does not have flesh and bones as you can see I have. And as he said this, he showed them his hands and his feet. While they were still incredulous for joy and were amazed, he asked them, "Have you anything here to eat?" They gave him a piece of baked fish; he took it and ate it in front of them. He said to them, "These are my words that I spoke to you while I was still with you, that everything written about me in the law of Moses and in the prophets and psalms must be fulfilled." Then he opened their minds to understand the scriptures. And he said to them, "Thus it is written that the Messiah would suffer and rise from the dead on the third day and that repentance, for the forgiveness of sins, would be preached in his name to all the nations, beginning from Jerusalem. You are witnesses of these things.

Reflection by:
Pam Manzano

Sabi nila, ang tanging bagay na permanente sa mundo ay ang pagbabago. Maraming uri ng pagbabago at bilang tao, wala ni isa man sa atin ang lusot dito. May mga pagbabago tayong inaasam para sa ikagaganda ng isang bagay o aspeto ng ating buhay. Sino nga ba naman ang may ayaw na umunlad, diba? Ngunit sa kabilang banda, may mga nagaganap ding pagbabago na sa una ay akala natin ay tungo sa ikabubuti, yun pala, sa bandang huli, mas nakasasama pa. Pero ano man ang uri ng mga pagbabagong hinaharap ng bawat isa sa atin sa araw-araw, iisa ang karaniwang tingin: NAKAKATAKOT ANG PAGBABAGO.

 Hindi naman talaga nakakatakot ang pagbabago. Pagsubok nga ito sa bawat isa sa atin. Sinasabi lang natin na nakakatakot ito dahil sa hindi natin alam ang haharapin natin. Minsan, kaya pa tayo natatakot ay dahil sa hindi natin alam kung tama ba ang desisyon natin para tahakin ang daan tungo sa pagbabago. Sigurista kasi ang tao. Mangilan-ngilan lang ang masasabi natin talagang bukas sa pagbabago. Gusto laging may pinanghahawakang matibay na ebidensya para sa bandang huli, magkandaloko-loko man ang mga pangyayari dahil sa pagbabago, may “fall-back” pa rin. May seguridad pa rin. May pupuntahan pa rin. May sasalo pa rin. Umamin ka man o hindi, minsan sa buhay mo (mapa trabaho, pamilya, pag-aaral, buhya pagmamahal, o anu pa man yan), alam kong naranasan mo at alam mo kung ano ang sinasabi ko.

 Pero ang ganyang klase ng takot, hindi uubra sa pananampalatayang Kristiyano. Sabi sa diksyonaryo, ang pananampalataya ay isang matibay na paniniwala sa isang bagay o kapangyarihan na hindi pa kailanman nakikita. Kung patuloy na magiging sigurista ang tao pagdating sa pananampalataya, tingin mo, saan tayo pupulutin kapag nagkataon?

 Maging bukas tayo sa mga pagbabagong kumakatok sa ating pintuan ngayon. Lumipat ka sa trabahong alam mong tama para iyo, tumira ka sa lugar na matagal mo nang gustong tirahan. Mag-aral ka ng kursong nais mong kuhanin noon pero hindi mo nagawa dahil sa pagsunod sa kursong gusto ng nanay at tatay mo. Ipagawa mo ang kwarto mo o kung mabait ka, sama mo na buong bahay nyo. Maghanap ka ng bagong libangan. Kung pintor ka noon, maging mang-aawit ka naman ngayon. Magpagupit ng maikli, magpakulot, magpapayat, o kung ano pa mang pagbabago na nais mong gawin sa lahat ng aspeto ng buhay mo na makakabuti sa iyong pagkatao. Sundin mo ang sigaw ng puso mo. Basta para lang sa ikabubuti at ikagaganda ng buong pagkatao mo.

Sa lahat ng pagbabago na nabanggit ko sa itaas, lahat yan “superficial”. Lahat yan, pagdating ng panahon, mawawala. Papangit uli at dadating ang panahong kailangan mo ulit mag-isip para sa panibagong pagbabago. Ang Ebanghelyo ngayon, kumakatok sa puso at isip ng bawat isa sa atin at iisa ang Kaniyang sinasabi: Magbago para sa pananampalataya.

Talikdan ang buhay na puno ng duda. Iwasan ang baluktot na pamumuhay. Kung manloloko ka noon, pakiusap, sa ngalan ng pagbabago at pagbabalik-loob sa pananampalataya, huwag ka ng manloko muli. Kung namamatay ang pagmamahal mo sa Diyos, subukan mong dumalo sa isang “retreat”,  magpabibago ng debosyon, o anu pa mang paraan na sa tingin mo makapagpapatibay sa pananampalatayang unti-unting nawawala. Magbago para sa ikabubuti ng buhay-ispiritwal. Para sa ikalalapit pa ng bawat isa sa atin kay Hesus. Para magampanan natin ng maayos ang misyon na ibinigay Niya sa bawat isa na ipamahagi ang Mabuting Balita ng kaligtasan. Para sa ikagagaling ng bansang Pilipinas at sa “spiritual breakthrough” na kailangan ng maraming Kristiyano sa buong mundo. Huwag tayong maging bulag at bingi sa imbitasyon sa atin ni Hesus para dumalo sa Kanyang piging.

Hindi nakakatakot ang pagbabago. Sawa ka na sa magulong mundo? Manalig ka. Yakapin natin ang pagbabago at umpisahan natin ito sa ating mga sarili.

Prayer

Panginoon, patuloy mo pong patatagin ang aming pananampalataya. Sa panahong ito kung saan marami sa amin ang kinakain ng takot at kawalang pag-asa, ipakita Mo sa amin na Ikaw ang daan, katotohanan at buhay. Hayaan Mo pong sumilay ang Iyong liwanag sa bawat pusong pagal at pananampalatayang nahihimlay.Amen.





Followers

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP